RAMDAM pa rin ni Megan Young ang pressure kahit maganda ang takbo ng “MariMar.”
Alam daw niya kasi na every night, every week ay inaabangan ng televiewers ang mangyayari sa kanilang serye at sa kanilang karakters.
Pero aniya, mabuti naman ‘yung napi-pressure siya dahil mas lalo siyang nagpupursigeng pagbutihin ang kanyang trabaho at mas lalo siyang natsa-challenge at ang buong team ng “MariMar.”
Sa mga passionate kissing scenes nina Megan at Tom Rodriguez ay walang kiyeme at kapuwa bigay-todo sila.
Marami ang nagtatanong, hindi ba raw kaya magkadebelopan ang dalawa? ‘Yan ang dapat abangan.
Marami naman ang naiinis at gustong sabunutan o sampal-sampalin sina Jaclyn Jose at Lauren Young sa pang-aapi nila kay Megan. Pero ang galing ni Jaclyn sa pag-atake sa role niya bilang Angelika.
May touch of comedy kung magpakawala siya ng kanyang linya.
Kinaiinisan ang karakter ni Lauren bilang Antonia dahil trying hard siya na ipinagsisiksikan ang kanyang sarili kay Sergio (Tom Rodriguez) kahit pilit nitong iniiwasan siya.
Tsika naman ni Megan, mas lalo silang naging close ni Lauren ngayong magkatrabaho sila sa “MariMar.”
Sa mga eksena ng sinasaktan siya ni Lauren, nagtatawanan sila after ng take.
Ayon kay Megan, malabong mangyari sa tunay na buhay na mag-away o mag-agawan sila ng magkapatid sa isang lalaki.
Mga tinik sa buhay
Kung sina Jaclyn Jose at Lauren Young ang kontrabida sa buhay ni Megan Young sa “MariMar,” sina Jackielou Blanco at Katrina Halili naman ang mga “tinik” sa buhay ni Ken Chan sa “Destiny Rose.”
“Mag-ina rin sina Jackielou at Katrina na inaapi si Ken (Joey).
Nakikipag-agawan din si Katrina (Jasmine) kay Joey kay Gabriele (Fabio Ide).
Wagas kung makaalipusta si Katrina sa kabaklaan ni Ken.
Sobrang bait naman ni Ken na hinahayaan niyang api-apihin siya.
Inaabangan ng televiewers ang transformation ni Ken bilang babae. Si Michael de Mesa ang tutulong sa kanya.
Closet gay role si Michael na hindi na kinukuwestiyon ang galing sa pagganap sa ganitong klase o kahit ano pang role ang ibigay sa kanya.
Kumpleto sana
Kahit super sikat na ngayon si Alden Richards, never umeksena o naging stage father ang kanyang daddy.
Hindi nga ito sumasama kay Alden sa mga lakad ng Kapuso actor.
Kung sa ibang tatay ‘yun, bantay-sarado na si Alden at nagmamahadero na.
Feeling sikat na rin.
Suportado si Alden ng kanyang daddy at parati itong nagpapasalamat sa social media sa blessings na dumarating sa anak. Parati ring pinapaalalahanan si Alden ng kanyang daddy na huwag na huwag lalaki ang kanyang ulo at parating nakatapak ang mga paa sa lupa.
Parati raw maging humble si Alden at huwag na huwag itong magbabago ng magandang pakikitungo sa kapwa.
Kumpleto sana ang kaligayahan ni Alden kung nabubuhay pa ang kanyang mommy.
Ito kasi ang may gustong mag-artista siya.
Sayang at hindi na nasaksihan ng kanyang mommy ang katuparan ng pangarap nito para sa kanya at sa magandang takbo ng kanyang career ngayon.