KAABANG-ABANG na naman ang pakabog o pasabog ng AlDub kalyeserye ngayong Sabado. Matuloy kaya ang pagbisita nina Lola Nidora at Yaya Dub (Maine Mendoza) kasama sina Lola Tidora at Lola Tinidora sa Broadway Studio?
Gusto kasing makilala ni Lola Nidora ang dabarkads ni Alden Richards sa “Eat Bulaga.”
Kaabang-abang din kung kukumpirmahin nang boses nga ni Yaya Dub ang lumalabas kapag nagsasalita siya.
Nag-duet nga sila ni Alden ng “Wish I May” noong 11th weeksary nila at marami ang kumbinsidong boses nga ’yun ni Yaya Dub.
Ano sa palagay n’yo, dear readers?
In any case, inaabangan na naman ang pakilig moments nina Alden at Yaya Dub.
Malampasan kaya ang more than 24 million tweets noong nakaraang Sabado (Sept. 26)?
Request ng fans and supporters ng AlDub, mag-duet sina Alden at Yaya Dub ng “God Gave Me You.”
Hindi kaya “magiba” ang Broadway Studio?
By the way, nasa Japan si Alden on Oct. 11 para sa Kapusong Pinoy show.
Kasama niyang magpe-perform sina Ai-Ai de las Alas at Aicelle Santos.
Kapuso na?
May nakuha kaming impormasyon na Kapuso na si Nora Aunor.
May gagawin siyang teleserye na “Little Mommy” ang pamagat.
Wala pang detalye kung sinu-sino ang makakasama ng superstar.
Nag-taping na rin si Guy para sa isang episode ng “Magpakailanman” na ipapalabas ngayong Oktubre.
The last time na nakausap namin si Guy, sinabi niyang ayaw niya ng network contract at gusto niya’y per project lang, if ever alukin siya ng GMA.
Nabanggit din niyang magpo-prodyus siya para sa GMA ng isang drama anthology na parang “Ang Makulay na Daigdig ni Nora” na ginawa niya noon. Tuloy pa kaya ’yun?
Huling guesting ni Guy ay sa “Sunday PinaSaya.”
Nag-guest din siya sa “Pari ’Koy” na pinagbidahan ni Dingdong Dantes.
Unang nag-guest si Guy sa isang episode ng “Karelasyon” with Lotlot de Leon and Janine Gutierrez.
First solo concert
Ngayong Sabado na ang first solo concert ni Glaiza de Castro, “Dreams Never End” na gaganapin sa Music Museum at 8 p.m.
Birthday rin ni Rhian Ramos na isa sa mga guest performer.
For the love of Glaiza na naging “love interest” niya sa “The Rich Man’s Daughter,” wala siyang birthday celebration. Mas gusto niyang suportahan si Glaiza sa first ever solo concert nito.
Abangan ang production number nina Glaiza at Rhian. Dahil sa kanilang tomboyserye ay nagkaroon ng LGBT fans si Glaiza.
Suportahan kaya nila si Glaiza sa kanyang solo concert?
Sana naman.
Ang iba pang guest performers ay sina Regine Velasquez, Kitchie Nadal, Jay-R at Aiza Seguerra. Si Rico Gutierrez ang stage director at si Marc Lopez ang musical director. Si Glaiza ang producer at media partner ang GMA Network.
Twenty songs ang inihanda ni Glaiza, kasama rito ang ilang kanta mula sa self-produced album niyang “Synthesis.”
Pasasalamat na rin niya sa kanyang fans and supporters ang first solo concert niya.