ANG dami na namang artistang kakandidato sa May 2016 elections. Reelectionists sina Alfred Vargas (congressman sa isang district ng QC), Jolo Revilla (vice governor ng Cavite), Charee Pineda (councilor sa Valenzuela City), Herbert Bautista (QC mayor).
Si Manila Vice Mayor Isko Moreno ay tatakbo bilang senador. Rep. Lani Mercado for mayor ng Bacoor, Cavite. Sa congress naman si Governor Vilma Santos-Recto.
Susubukan muli ni Edu Manzano ang pulitika at kakandidato siya bilang senador. Kumandidato siya bilang vice president noong 2010 elections. Tandem sila ni Gilberto Teodoro na parehong talunan. Guessing game pa rin kung papasok na rin sa pulitika si Luis Manzano.
First time naman sasabak sa political arena si Ronnie Ricketts na kakandidato bilang congressman sa Muntinlupa City.
First timers din sina Jomari Yllana at Vandolph Quizon na kakandidato bilang councilors sa Parañaque City.
What about Vandolph’s mom councilor Alma Moreno? Tuloy kaya ang pagtakbo ni Alma bilang senador? May mga sighting na kasama siya ni presidentiable Jejomar Binay. Abang-abang pa more kung sinu-sino pang artista ang kakandidato sa May 2016 elections.
Sweet revenge
Mas lalo niyang na-appreciate ang mga babae, ayon kay Ken Chan. Sobrang hirap daw pala maging babae. “Yung thought ng panganganak at pagkakaroon ng monthly period, ang hirap kaya nu’n,” ani Ken. Sobrang thankful siya na naging lalaki siya, aniya pa.
Isang transwoman ang role ni Ken sa “Destiny Rose” at aniya, malapit na siyang mag-transform. Nag-training pa siya kay Jonas Gaffud sa Mercator Modeling Agency nito ng tamang pagrampa na mala-beauty queen.
Ayon kay Ken, nahirapan siya sa pagsusuot ng sapatos na mataas ang takong, mga damit na pang-girl, make-up at iba pang girlie stuff.
Ani Ken, kung bilang gay na Joey ay inaapi siya nina Jackielou Blanco (Dahlia) at Katrina Halili (Jasmine), abangan daw ang pagganti niya sa mga ito kapag naging transwoman na siya.
Si Michael de Mesa (Armani) na isa ring gay ang tutulong kay Joey. “Sweet revenge ang gagawin ko. Gagamitin ko ang ganda ko bilang isang babae,” saad ni Ken.
Maghihiganti rin
Lumabas na muli ang karakter ni Zoren Legaspi sa “MariMar” bilang Gustavo na biological father ni MariMar (Megan Young).
Matapos isumpa ni Marimar sa puntod ng kanyang Lolo Pancho (Tommy Abuel) at Lola Cruz (Nova Villa) na ipaghihiganti niya ang pagkamatay ng mga ito sa kagagawan ng mga Santibañez, lumuwas siya ng Maynila para hanapin at magpatulong kay Gustavo.
Naitago ni MariMar ang calling card na ibinigay sa kanya ni Gustavo noong bata pa siya, kaya nakontak niya ito pagdating niya sa Maynila.
Abangan ang malaking pagbabago ni MariMar. Muli rin silang magkikita ni Tia Corazon (Jaya). Ipapasok siya sa kompanyang pinagtatrabahuhan nito (Maiden Pearls).