SOBRANG thankful kami sa Tape, Inc. lalo na kay Ms. Malou Fagar (executive producer) sa pag-imbita sa amin para panoorin ang biggest event ever ng “Eat Bulaga” sa Philippine Arena.
Nasaksihan naming ang mga kaganapan sa “Tamang Panahon” charity event. Halos mabingi kami sa lakas ng sigawan, tilian at hiyawan ng fans. Grabe talaga ang suporta ng AlDub Nation. Napuno ang Philippine Arena na may 55,000 seating capacity.
Sulit na sulit ang mga bumili ng tickets. Nakaka-proud talaga maging bahagi ng historical event ng “Eat Bulaga” na lumikha ng phenomenal AlDub tandem nina Alden Richards at Maine Mendoza (Yaya Dub). Sila na talaga ang tandem to beat. May gustong kumontra?
Nakalikom ng P14 million mula sa ticket sales na ilalaan sa pagpapagawa ng AlDub libraries nationwide. Nasiyahan na ang audience, nakatulong pa sila sa adhikain ng “Eat Bulaga.”
Naka-more than 39 million tweets sa #AlDubTamangPanahon. Global phenomenon talaga, ayon sa Twitter Asia Pacific and Middle East vice president na si Rishi Jaitly.
Nagpasalamat naman sina Alden at Maine sa kanilang respective twitter accounts. “Maraming salamat Dabarkads at AlDub Nation sa suporta at pagmamahal! Grabe kayo! God bless us all!!! Grabe kayo… Happy 39 million tweets AlDub Nation! Wala talagang impossible sa inyo! “ tweet ni Maine.
Heto naman ang kay Alden: “39.4 M tweets?! Thank you AlDub Nation. Thank you nang sobra sobra! Mahal na mahal namin kayo!”
Ganito naman ang post ni Alden sa kanyang Instagram account: “Mula po sa amin ni Maine, maraming, maraming, maraming salamat po sa inyong lahat AlDub Nation!!! God bless you all at mahal na mahal po namin kayong lahat!!! Tuloy ang FOREVER mga AlDuBarkads.”
Nagkakadebelopan na?
Base sa naobserbahan naming body language nina Alden at Maine noong nagyakapan at nag-holding hands sila sa “Tamang Panahon,” mukhang nagkakadebelopan na sila. Bulong ng kasama naming entertainment writer, magkakaroon na ng lovelife si Alden. Hindi maitago ang kilig sa isa’t isa kina Alden at Maine.
Malamig sa loob ng Philippine Arena, pero pinagpapawisan si Alden nang magpalitan sila ni Maine ng mga pahayag nila sa isa’t isa. Ibinuking pa ni Jose Manalo na kinakabahan si Alden.
Kinakabog na kaya ang dibdib ni Alden kay Maine? Si Maine, given na ang kilig much kay Alden.
Sakto talaga kina Alden at Maine ang kantang “God Gave Me You.” Mukhang itinadhana sila sa tamang panahon.
Marami pang dapat abangan sa AlDub tandem pagkatapos ng Philippine Arena event. Kilig moments pa more matapos silang mag-holding hands at magyakapan on national TV. Abang-abang nalang sa kanilang kalyeserye. Sabi nga ni Alden, tuloy ang FOREVER.
Hindi nakatulog
Sa “Sunday Pinasaya,” kilig much na naman ang AlDub Nation sa surprise phone call ni Maine Mendoza kay Alden Richards sa isang segment nito.
Halatang nabigla si Alden na kilig-kiligan din pagkarinig sa boses ni Maine. Mukhang hindi talaga alam ni Alden ang sorpresang ‘yun ng production staff. Aniya, “Hindi n’yo ako in-orient.”
Sabi ni Maine, hindi siya agad nakatulog kinagabihan matapos ang “Tamang Panahon” concert. Gano’n din siya, pag-amin naman ni Alden.
Ibang level na talaga ang AlDub tandem. Boses lang ni Maine ang narinig, sobrang kilig at hiyawan agad ang studio audience. Ano bang “gayuma” o karisma meron ang AlDub?
Sobrang kilig at kasiyahan ang ibinibigay nila sa kanilang supporters nationwide and worldwide. Grabe!!!!
’Kaaliw
Sobrang naaliw rin kami kay Wally Bayola (a.k.a. Lola Nidora) sa performance niya sa “Tamang Panahon” concert.
Dumating na rin ang tamang panahon para sa kanya. Hindi lang bilang Lola Nidora siya nakakaaliw, pati ang karakter niya bilang Dhurizz at Rihanna.
Patok din sina Jose Manalo at Paolo Ballesteros bilang Lola Tidora at Lola Tinidora na ka-Explorer sisters ni Lola Nidora. Pero hindi maitatangging nakakaangat si Wally.
Lumabas din ang Frankie Arenolli ni Jose Manalo. Walang commercial interruption at non-stop show ang “Tamang Panahon” event.
Sa production number ni Jose ay tadtad naman ng mga logo ng commercial ang kanyang outfit. Ipina-flash din sa TV screen ang mga ’yun, kaya bawi na ang kanilang sponsors. Ang nakinabang at nasiyahan ay ang televiewers (Team Bahay) at ang audience sa Philippine Arena.
No show ang Dabarkads na sina Pia Guanio, Keempee de Leon at Sam Y.G. sa biggest event ng “Eat Bulaga.” Bakit kaya?
In any case, congratulations sa buong EB Dabarkads, lalo na sa AlDub tandem at siyempre sa Tape, Inc., at sa production staff sa historical event sa showbiz na nasaksihan nationwide at worldwide. “Eat Bulaga” at AlDub pa more!!! Pabebe wave pa more!