MAGKASAMA sa isang proyekto sina Matteo Guidicelli at Shaina Magdayao kaya may tsismis na diumano’y malapit sila ngayon sa isa’t isa. Diumano pa rin, si Shaina ang dahilan ng diumano’y pagkakalabuan ng relasyon nina Matteo at Sarah Geronimo. Lumang style na ito para mai-promote ang isang project.
Poor Shaina! Nagagamit siya sa ka-cheapang isyu. Pinalalabas na boyfriend grabber siya. Wala sanang violent reaction ang fans ni Sarah at sana’y alamin muna nila ang katotohanan sa likod ng tsismis na ito.
Kamakailan lang, sa isang interbyu kay Matteo ay nagpahayag siya na okey ang relasyon nila ni Sarah. Sana raw ay si Sarah na nga ang babaeng pakakasalan niya sa tamang panahon.
Showbiz supporters
Hindi kaya maging star-studded ang campaign rallies ng presidentiable na si Senator Grace Poe and her running mate na si Senator Chiz Escudero? May mga konek sa showbiz ang mga kasama nilang senatoriables na sina Edu Manzano, Isko Moreno, Sen. Tito Sotto, Neri Colmenares, Sen. Ralph Recto (guest candidate), Atty. Lorna Kapunan at Cong. Roman Romulo.
May kanya-kanyang supporters ang partido nina Poe at Escudero. May Susan Roces at Lovi Poe si Sen. Grace. Idagdag pa ang showbiz friends nilang hayagan ang suporta tulad nina Boots Anson-Rodrigo, Nora Aunor, Manay Ichu Maceda, German Moreno, among others.
May Heart Evangelista si Sen. Chiz. Suportado ni Angel Locsin ang kaanak na si Neri Colmenares. May Luis Manzano na, meron pang Gov. Vilma Santos-Recto sina Edu Manzano at Sen. Ralph Recto. Ano kayang scenario kapag magkasama sa stage at pangangampanya ang ex-at present husband ni Gov. Vi?
Si Sen. Tito, may misis na Helen Gamboa at anak na Ciara Sotto, kapatid na bossing Vic. Idagdag pa ang “Eat Bulaga” Dabarkads.
Si Cong. Roman Romulo, mister ni Shalani Soledad na dating co-host ni Willie Revillame sa TV show nito. Si Atty. Lorna Kapunan, may mga showbiz supporters din. Ang saya-saya kapag nagsimula na ang campaign period dahil inaasahang maraming showbiz supporters ang Team Poe-Escudero.
Bagay na Ding
Kapag si Liza Soberano ang kapalit ni Angel Locsin bilang Darna sa movie version nito, sino naman kaya ang pwedeng maging Ding? May mga nagsasabing bagay kay Alonzo Muhlach.
Kung tama kami, gumanap din Ding si Niño Muhlach sa ilang Darna series noon. Anak ni Niño si Alonzo at maganda ring gampanan ng bagets ang role noon ng kanyang daddy Niño. Pwede di ba?
Ayaw!
Kahit daw P100 or P200 million pa ang offer para mag-endorse siya ng isang political candidate para sa May 2016 elections, hindi niya tatanggapin, ayon kay Alden Richards.
Mas gusto niyang mag-focus na lang sa showbiz. Sabagay, kayang-kaya namang kitain ni Alden ang halagang ‘yun sa rami ng offers sa kanya para maging product endorser. Multi-million ang talent fee.
May mga out-of-town shows pa si Alden. May TV shows. May offer din para mag-concert siya at diumano’y P10 million ang kanyang talent fee. Pero ayon kay Alden, wala pang formal offer sa kanya at sa management company ( GMA Artist Center) niya.