MALAKING karangalan para sa Asia’s Nightingale na si Lani Misalucha na maging kauna-unahang artist na makapag-perform at makapag-concert sa tinaguriang “the country’s first and only Heritage Resort by the sea,” ang Las Casas Filipinas de Acuzar, na proyekto ng New San Jose Builders at matatagpuan sa Bagac, Bataan.
Ang dinner concert ni Lani na may titulong “Harana,” na handog ng Las Casas Filipinas de Acuzar katuwang ang Full House Asia Production Studios Inc., ay ginanap noong Oktubre 31 sa Hotel de Oriente Convention Centre ng naturang heritage resort. Nakasama ni Lani sa concert si Mel Villena at ang AMP Band.
“Nakakatuwa nga e. At least nakarating ako dito, nakita ko kung gaano talaga kaganda. So, I’m grateful to them, they chose me to be their first performer here,” sabi ni Lani nang makausap namin siya pagkatapos ng concert.
Na-amaze nga raw si Lani sa lugar dahil nakita niya ang maraming heritage houses na galing pa sa iba’t ibang parte ng Pilipinas. Aniya pa, isa itong open-air museum at heritage park na maipagmamalaki ng ating bansa. Very willing daw siyang bumalik dito para mag-concert ulit.
Ikinatuwa rin ni Lani na bahagi ng kinita sa concert ay napunta sa Kapitbahayan sa Kalye Bautista, isang non-government organization na tumutulong sa preserbasyon at pangangalaga ng heritage houses sa Quiapo, Manila.
Samantala, kahit na aktibong-aktibo pa si Lani sa pagkanta, inamin niyang may puntong naiisip na rin niyang mag-retire. “Alam n’yo kabuhayan ko ito e. Pero sa totoo lang, hindi ako mag-aantay na hindi ko na talaga kaya.
Honestly, noon pa man din gusto ko na talagang mag-retire. That’s one of the reasons why we left for the US, and then mangibang-buhay na, simpleng buhay sa Amerika.”
Pero ano ang nagtutulak sa kanya na ipagpatuloy ang pagkanta? “Actually, it’s not me that keeps coming back to music. It’s music that keeps on chasing me. I would go to this direction, but it would just follow me wherever I would go. Sabi nga nila, an artist will always be an artist, so siguro ganun ang nangyayari sa akin.
“Sabi pa ng asawa ko, ‘Ito ang talentong ibinigay sa iyo ng Diyos, siguro hindi pa dapat sa iyo na mag-retire.’ So, siguro iyon na lang talaga ang gagawin natin hangga’t kaya, e di kakayanin. Pero ayoko namang dumating sa panahon na uugod-ugod na ako, di ba?” (GLEN SIBONGA)