DUMAAN sa maraming screen tests si Kris Bernal para sa role niya sa “Little Nanay,” bago finally sa kanya ito ipinagkatiwala. Maraming pagsubok ang ginawa niya kung kaya ba niya talagang gampanan ang role ng isang may intellectual disability.
Isa siyang 25-year-old woman na ang mental age ay pang-9-year-old kid. Nabuntis siya at nagkaanak na ginagampanan ng child star na si Chlaui Malayao.
“Feel ko baka bawiin sa akin ang project. Thankful ako sa GMA at sa aming writers na sa akin pa rin ipinagkatiwala ang project,” sabi ni Kris sa presscon. Hindi niya napigilang umiyak. Aniya, kinakabahan siya at feeling niya’y unang presscon lang niya ’yun.
Most challenging role ever niya ito, ayon kay Kris. Nanood daw siya ng pelikulang may gano’ng tema para pagbasehan ng kanyang kilos at pananalita. Nagpunta rin siya sa SPED school kung saan may pasyente roon na may gano’ng kaso.
Cool, astig na lola
First full-length teleserye ni Nora Aunor sa GMA7 ang “Little Nanay.” Nag-guest muna siya sa “Pari ’Koy” na pinagbidahan ni Dingdong Dantes. Anang superstar, masaya sa set, maganda ang working relationship at nag-enjoy siyang magtrabaho sa Kapuso Network.
Nasundan ’yun ng guesting niya sa isang episode ng “Magpakailanman.” Nang i-offer sa kanya ang “Little Nanay,” hindi siya nagdalawang-isip tanggapin ito, ani Guy.
Aniya pa, plus factor na kasama sa cast sina Eddie Garcia at Bembol Roco na nakatrabaho niya noon sa mga pelikulang ginawa nila. “Siyempre, gusto ko ring makatrabaho ang GMA stars. Masaya kami parati sa taping. Kahit pagod at puyat, kinakaya ng powers ko,” lahad ng superstar.
Sa “Little Nanay,” gumaganap siya bilang Lolay Annie Batongbuhay, cool at astig, gitarista ng Superstar band at nagpalaki sa mga apo niyang sina Tinay (Kris Bernal), Peter Parker (Mark Herras) at Bruce Wayne (Juancho Trivinio). Magkakapatid silang tatlo.
Kuya-kuyahan lang daw, o!
Si Bembol Roco ang gumaganap bilang Loloy Berting Batongbuhay sa “Little Nanay” na katuwang ni Lolay Annie sa pagpapalaki sa tatlong apo nila. Sa presscon, tinanong si Bembol kung totoo bang nagkaroon sila ng “something” noon ni Nora Aunor.
Naging “item” sila noon at marami sa senior entertainment writers ang may nalalamang kuwento tungkol sa namagitan noon kina Guy at Bembol.
Sabi ng actor, friends lang sila ng superstar. “We’ve been together since 1976. Marami kaming pinagsamahan.
Komportable kaming magkatrabaho. Masaya lang,” sambit ni Bembol.
Dagdag pa niya, parang kuya-kuyahan lang siya ni Guy kahit ate Guy ang tawag niya sa superstar. “Friends lang kami.
Kayo (press people) naman. Kaunti lang ang loving-loving (laughs),” pabaklang sabi pa ni Bembol.
Sabi naman ni Guy, sumbungan niya noon si Bembol. Ito ang kanyang tagapagtanggol. Two years ago ay nagkasama sila sa indie film na “Thy Womb.” Reunited sila ngayon sa “Little Nanay” na isang light drama comedy, mula sa direksiyon ni Ricky Davao. LN premieres on Monday (Nov. 16) pagkatapos ng “24 Oras” sa GMA Telebabad.