PARA namang hindi kapani-paniwalang ieendorso nina Alden Richards at Maine Mendoza (Yaya Dub) ang kandidatura ni Mayor Rodrigo Duterte na tatakbo bilang presidente sa May 2016 elections.
Diumano’y ang AlDub tandem nina Alden at Maine ang panapat sa KathNiel love team nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla na supporters naman ng presidentiable na si Mar Roxas.
Sa pagkaalam namin, walang pulitikong ieendorso ang AlDub. Diumano’y pinagbawalan sila ng Tape Inc. Kahit nga dabarkads ni Senator Tito Sotto ang AlDub ay hindi siya umaasa sa suporta ng mga ito sa kanyang reelection bid.
Sa isang interbyu kay Alden, tahasan niyang sinabing ayaw niyang mag-endorse ng kahit sinong pulitiko. Kahit pa raw offeran siya ng limpak-limpak na milyones. Sa showbiz na lang siya magko-concentrate.
Binabatikos
Umaani ng batikos ngayon sina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo dahil sa pagsuporta nila sa kandidatura ni Mar Roxas. Balitang diumano’y P50 million ang offer kay Daniel at P20 million ang kay Kathryn. Walang kumpirmasyon o pagtanggi mula sa kanilang respective camps.
Wala ring kumpirmasyon o pagtanggi sa tsikang diumano’y itiniwalag na si Kathryn ng Iglesia ni Cristo (INC). May mga kapanalig niyang artista ang nagsasabing bihira o hindi na nila nakikitang sumasamba si Kathryn.
May mga nagsasabi namang diumano’y bawal sa mga miyembro ng INC ang mag-endorso ng pulitiko hanggang wala pang desisyon ang kanilang pinuno kung sino ang opisyal na susuportahan nila sa May 2016 elections.
Tinanggihan
Ano kayang reaction ni Claudine Barretto sa pagtanggi ni Derek Ramsay na magkatrabaho sila sa isang project ng TV5?
Diumano’y sa nakaraang trade launch ng mga bagong shows ng Kapatid Network, tahasang tumanggi si Derek sa isang teleseryeng pagsasamahan nila ni Claudine.
Palaisipan kung may personal issue raw ba kaya sina Derek at Claudine, kaya nagawang tanggihan ng hunk actor makatrabaho si Claudine?
May mga nagtatanong din kung bakit daw sa TV5 gagawa ng teleserye si Claudine? Inakala nilang sa ABS-CBN siya magteteleserye dahil ang comeback movie niya, “Etiquette for Mistresses” ay sa Star Cinema, movie arm ng Kapamilya Network.
Kung tama kami, ang Viva Artist Management ang namamahala ng career ngayon ni Claudine. Si Boss Vic del Rosario ng Viva Entertainment ang katuwang ng TV5 sa pamamahala ng mga bagong programa simula 2016, kaya may gagawing teleserye sa Kapatid Network si Claudine.
Asahang mapapanood sa TV5 ang iba pang contract stars ng Viva. Paano na kaya ’yung mga homegrown talents ng Kapatid Network? Paano pa mapu-push ang kanilang career?