ISANG thanksgiving cum Christmas party para sa entertainment press ang ibinigay kamakailan ni presidentiable Mar Roxas and his wife Korina Sanchez-Roxas na ginanap sa Novotel Hotel sa Cubao, QC.
Dumalo sina Congressmen Alfred Vargas at Dan Fernandez, Mother Lily Monteverde and son Dondon, and direk Erik Matti.
’Kaaliw si Mother Lily nang kantahan siya nina Roxas, Vargas at Fernandez. Parang teenager na kilig-kiligan ang Regal Matriarch. Trios Disintunados ang tawag ni presidentiable Mar sa kanilang tatlo nina Rep. Alfred at Dan.
Kinantahan nila ng “To Love Somebody” si Mother Lily na naitawid naman nila kahit “paliko-liko” ang kanilang boses.
Joke! Kahit ano’ng pilit ng press ng “Kanta pa more,” hindi napilit kumantang muli si Roxas.
First time naming narinig kumanta si Korina at carry naman niya. Kumanta siya ng “Kahit Maputi Na ang Buhok Ko” na pinasikat ni Sharon Cuneta.
Christmas music video
Sa thanksgiving cum Christmas party pa rin ng Roxas couple, ipinakita sa entertainment press ang Christmas music video na regalo sa kanila nina Billy Crawford, Jay-R at Kris Lawrence. Sila ang nag-compose ng awiting “Isang Maligayang Paskong Matuwid.”
Tampok sa music video sina Melai Cantiveros, Jason Francisco, Angelu de Leon, Maricel Soriano, Carla Abellana, Daniel Padilla, Kathryn Bernardo, James Yap, Korina Sanchez, Mar Roxas, Leni Robredo, atbp.
Isa sa mga highlight ng gabi ay ang “rockkaoke” singing contest na sinalihan ng ilang entertainment press.
Birthday treat
Hindi nakarating si QC Mayor Herbert Bautista sa birthday treat niya para sa entertainment press na ang birthmonths ay October, November, December. Naging representatives niya ang mga kapatid niyang sina Harlene at Hero Bautista.
Kandidato ang huli bilang konsehal sa 4th district ng QC.
Naging “panata” na ng Bautista siblings ang birthday treat nila sa entertainment press dahil noong nabubuhay pa ang kanilang inang si Baby Bautista ay super friendly ito sa entertainment press na parating naka-suporta sa showbiz careers nina Herbert, Hero at Harlene.
Ani Harlene, ipinagpapatuloy lang nilang magkakapatid ang kumbaga’y naiwang legacy ng kanilang ina. Alam daw nilang kung nasaan man ngayon ang kanilang mommy ay patuloy pa rin ang paggabay nito sa kanila at masaya ito na ipinagpapatuloy nila ang magandang samahan nila sa entertainment press.
By the way, today gaganapin ang 2nd QC LGBT Pride March sa Tomas Morato. Suportado ito ni Mayor Herbert Bautista sa ilalim ng QC Pride Council (QCPC). This year’s theme ay “Magkakaiba at Nagkakaisa” (Diverse and United) na ang chairman ay si EJ Ulanday. Mga LGBT (Lesbian, Gay, Bisexsual, Transgender) groups nationwide ang magpa-participate sa event.
Bukod sa Pride March, magkakaroon ng LGBT fashion show, magbibigay ng awards tulad ng Unkabogable (Best) Float, Most Number of Contingents at special awards. Pagkatapos ay ang pinakahihintay na jungle party.