MAGKALABAN sa 2015 Metro Manila Film Festival ang “Haunted Mansion” at “Honor Thy Father,” respective entries ng mag-inang Lily at Dondon Monteverde. Pero suportado pa rin ni Mother Lily ang pelikula ng kanyang anak at ipina-presscon pa niya ang “Honor Thy Father” na prodyus ng Reality Entertainment ni Dondon. Co-producers sina John Lloyd Cruz (bida sa pelikula) at direk Erik Matti.
Kilig-kiligan si Mother Lily kay John Lloyd at anang Regal producer, gusto niyang gumawa ito ng pelikula sa ilalim ng kanyang film outfit. “Aside from being a good actor, he’s very humble. Walang star complex,” saad ni Mother Lily.
Nagpa-picture-taking pa siya sa Kapamilya actor matapos ang open forum.
Nagpahayag din si JLC na gusto rin niyang gumawa ng pelikula sa Regal Entertainment. Bilang co-producer ng “Honor Thy Father,” in total darkness daw siya, ayon kay John Lloyd.
Ayaw niyang maguluhan, kaya ipinaubaya nalang niya kina Dondon at direk Erik ang aspetong ’yun sa production. Mas nag-focus siya sa pagiging actor sa HTF.
Nagkaroon ito ng world premiere sa 2015 Toronto International Film Festival at umani ito ng maraming papuri.
Tinanghal ang HTF ng “The Hollywood Reporter” bilang isang “strong portrait of inequality and vigilance in justice in modern Philippines by filmmaker Erik Matti.”
Magaling!
Puring-puri si Janella Salvador ng press people na nakapanood ng special screening ng“ Haunted Mansion.” She passed it with flying colors, anila, bagaman first movie niya ito.
“Magaling si Janella,” anang isang senior entertainment writer na nakapanood. Dapat daw na i-push to the max ang career ni Janella dahil very promising siya.
Sobrang happy at proud naman si Janella sa mga nakarating na papurisa kanya ng press. Isang teenager na may third eye ang role niya at matagumpay na naitawid niya ito. Pinatunayan niyang hindi lang pagkanta ang kaya niyang gawin, may kakayahan din siya sa pag-arte.
Siyempre, sobrang proud si Mother Lily sa “Haunted Mansion” dahil nagtagumpay ang director nitong si Jun Lana na takutin at gulatin ang mga nanood nito. Mas nakakatakot ang HM kesa sa “Shake, Rattle and Roll series.
Lalaking walang pahinga
Nakaka-believe talaga si Alden Richards na literally ay “lalaking walang pahinga.” Matapos siyang mag-mall shows sa Cebu at Davao kasama si Maine Mendoza para sa promotion ng “My Bebe Love (#Kilig Pa More!)” nag-guest naman ang Pambansang Bae sa finals ng “Starstruck 6.”
Kumanta pa si Alden ng “God Gave Me You” at sumayaw pa kasama ang “Starstruck Avengers.” Parang superman si Alden na hindi nauubusan ng lakas. Grabe!
Sina Migo Adecer at Klea Pineda ang tinanghal na Male and Female Ultimate Survivors. First Prince and Princess naman sina Elyson de Dios at Ayra Mariano.
May teleserye na agad sina Migo at Klea at kasama sila sa remake ng “Encantadia.”
Hindi dapat mawalan ng pag-asa ang “Starstruck Avengers.” Gawin nalang nilang peg si Alden Richards na hindi man nakasama sa Final 14 ng “Starstruck 5,” kita n’yo naman at bonggang-bongga ang kanyang career ngayon. Hindi maawat sa pamamayagpag. Keep on dreaming and believing at makaka-survive rin kayo.
Nauungusan na?
Nauungusan na nga ba ng JaDine love team ang KathNiel love team? How true diumano’y mas focused ngayon ang Kapamilya Network kina James Reid at Nadine Lustre?
Bukod daw sa sunud-sunod ang projects nina James at Nadine, magkakaroon pa sila ng Valentine concert next year na ipoprodyus ng Viva Entertainment. Contract stars ng Viva sina James at Nadine, kaya hindi kataka-takang todo ang pagpu-push sa kanilang love team.
Dahil si Mr. Vic del Rosario ang bagong head ng entertainment department ng TV5, possible kayang lumipat sina James at Nadine sa Kapatid (Happy) Network?
Inaabangan kung sinong Kapamilya o Kapuso stars ang nakatakdang lumipat sa TV5 sa 2016.