NAGLULUKSA ang showbiz industry sa pagpanaw ni German “Kuya Germs” Moreno. Siya ang tinaguriang Master Showman.
Well-loved si Kuya Germs sa showbiz dahil sa kanyang kabutihan at walang sawang pagtulong sa mga artista, lalo na sa mga baguhan.
Star builder din si Kuya Germs at marami siyang pinasikat na artista na produkto ng “That’s Entertainment” at “GMA Supershow” na nagpalit-palit ng title. Kahit nawala sa ere ang mga nabanggit na shows, nanatiling loyal sa Kapuso Network si Kuya Germs.
May naiwan siyang radio program sa DZBB, “Walang Siesta,” at huli namin siyang napakinggan noong nakaraang Miyerkules (Jan. 6). Mami-miss namin ang araw-araw na pagbati at pagbanggit ni Kuya Germs sa pangalan namin at ng ibang entertainment writers.
Naiwan din niya ang late night TV show na “Walang Tulugan with the Master Showman” every Saturday.
Mami-miss namin si Kuya Germs kapag may presscon ang GMA ng bagong show. Nauuna pa nga siyang dumating sa mga artista. Nakikipagtsikahan siya sa amin. Bago mag-umpisa ang open forum, nag-o-opening remarks si Kuya Germs.
Nagbibigay siya ng payo sa mga artista na dapat mahalin nila ang kanilang trabaho, huwag lalaki ang ulo at higit sa lahat, maging professional.
Wala na ang Master Showman, subalit mananatili siya sa alaala ng mga taga-showbiz. May your soul rest in peace, Kuya Germs.
Ang kanyang labi ay nakahimlay sa Mt. Carmel chapel sa New Manila, QC.
Napaiyak
Nabahiran ng lungkot ang presscon ng “Wish I May” dahil nataon sa pagkamatay ni Kuya Germs madaling-araw ng Jan. 8.
Lunch time (12 noon) ang presscon, kaya bago simulan ang open forum, nag-alay ng maikling panalangin para kay Kuya Germs.
Napaiyak ang baguhang si Prince Villanueva na kasama sa cast ng “Wish I May.” Aniya, dedicated niya kay Kuya Germs ang naturang serye. Isa si Prince sa mga bagong alagang talents ni Kuya Germs na napapanood sa “Walang Tulugan with the Master Showman.”
Unang teleserye ni Prince ang “Wish I May” at aniya, kung hindi dahil kay Kuya Germs ay wala siya sa cast.
Ipinaglaban daw siya nito na mapasama siya sa cast, kaya sobrang thankful siya kay Kuya Germs. Kung hindi sana namatay si Kuya Germs, siguradong ’andu’n siya sa presscon bilang suporta kay Prince.
Wish lang ni Prince na kahit wala na si Kuya Germs ay mabigyan pa rin siya ng project ng GMA. He plays Dave sa “Wish I May” na isa sa mga admirer ni Carina (Bianca Umali).
Nagsuka
Napaiyak din si Glydel Mercado sa presscon ng “Wish I May.” Nagsimula siya sa “That’s Entertainment” at aniya, malaki ang naitulong ni Kuya Germs para masanay siya sa acting, hosting, dancing at singing. Kung anuman ang narating niya ngayon bilang isang artista, malaking bahagi nu’n si Kuya Germs na nagsilbing mentor, guardian, tatay-tatayan, adviser niya.
Noong nalaman niyang pumanaw na si Kuya Germs, agad siyang nagpunta sa banyo. Nagsuka siya at hindi niya maintindihan ang naging pakiramdam niya. Nag-iiyak siya.
Glydel plays Barbara sa “Wish I May” at anak niya si Olivia (Camille Prats). Pinagbibidahan ito nina Miguel Tanfelix at Bianca Umali. Tampok din sina Alessandra de Rossi, Mark Anthony Fernandez, Rochelle Pangilinan, Neil Ryan Sese, Juan Rodrigo, Ashley Ortega at Sancho de las Alas. May special participation si Mark Herras.
Directed by Neal del Rosario and Mark Sicat dela Cruz, “Wish I May” premieres on Monday (Jan. 18) after “Eat Bulaga” on GMA Afternoon Prime.
Ayaw magpaapekto
Ayaw magpa-pressure nina Miguel Tanfelix at Bianca Umali na ang kanilang serye (“Wish I May”) ang kapalit ng “The Half-Sisters.” Almost two years itong tumagal sa ere at consistent ang pagiging top-rater ng programa hanggang sa natapos ito.
“Iniisip ko na lang na maganda ang pasok ng 2016 sa akin,” ani Miguel. “May bagong show kami. Ayokong magpaapekto na ang pinalitan namin ay top-rating show. Ayokong magpa-pressure at gagawin ko na lang lahat ng makakaya ko para mapagbuti ang trabaho ko.”
Sinang-ayunan siya ni Bianca. Aniya, maraming dapat abangan sa “Wish I May.” May mga hugot ang kanilang karakter at nasa maturity level na sila. They play Tristan and Carina, respectively. Childhood friends sila. Parati silang nagdadamayan, eventually they will fall in love with each other.
Maganda ang ipinakitang trailer ng WIM noong presscon. May kilig factor at ang lakas ng screen chemistry nina Miguel at Bianca. Asked kung ano’ng level na ang kanilang relasyon, special friends pa rin sila, anang dalawa. Wala pa ring ligawang nangyayari. Career muna raw ang focus nilang pareho. So, there!
Huwag kasing madaliin na mag-level up sa more than friends ang relasyon ng mga bagets. Gaya ng sabi ni Lola Nidora, “Sa tamang panahon.”