KAHIT wala na si German “Kuya Germs” Moreno, patuloy pa rin ang kanyang radio program sa DZBB, ang “Walang Siesta.”
Ang kanyang mga badingding ang napakinggan namin noong Lunes (Jan. 11). Kahit nagluluksa pa rin sa pagyao ng Master Showman, the show must go on dahil, anila, ’yun ang gusto ni Kuya Germs.
Nanibago kami at na-miss namin ang kanyang boses. Wala nang bumati at bumanggit ng pangalan namin at ng ilang entertainment writers. ’Heard, ipagpapatuloy pa rin ang late night show ni Kuya Germs, “Walang Tulugan,” at ang pamangkin niyang si John Nite ang papalit sa kanya bilang host.
Bukas ng umaga (Huwebes, Jan. 14) ang libing ni Kuya Germs sa Loyola Memorial Park sa Marikina City. Dadalhin ngayong Miyerkules ang kanyang labi sa GMA Studio 7 at magkakaroon ng vigil doon.
Sayang at kinamatayan na ni Kuya Germs ang pangarap niyang ma-restore ang Metropolitan Theater. Nag-effort siyang lumapit sa mga taong kinauukulan para matulungan siya sa mga showbiz friends niya. Subalit hindi naging sapat ang pondong kailangan para sa restoration. Mga ilang upuan lang ang naipagawa ni Kuya Germs.
Matupad kaya?
Sa interbyu ni Jessica Soho kay Nora Aunor sa “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabi ng superstar na ipagpapatuloy niya ang ginagawang pagtulong ni Kuya Germs sa mga showbiz wannabe noong nabubuhay pa ito. Malaki ang naitulong sa kanya ng Master Showman noong nagsisimula pa lamang siya sa showbiz, ayon kay Nora.
Si Kuya Germs ang nagdala sa kanya sa Sampaguita Pictures at ipinakilala siya kay Doc Jose Perez. Una siyang gumawa ng pelikula sa naturang film outfit. Maraming pelikula ang pinagsamahan nila ni Kuya Germs at naidirek pa siya nito sa “Blue Hawaii” with Tirso Cruz III.
Ayon pa kay Nora, kay Kuya Germs lang niya nakita at nadama ang pagmamahal ng isang kapatid, ng isang pamilya na hinahanap-hanap niya. Naisip lang namin, ano na ba ang relasyon niya ngayon sa kanyang mga tunay na kapatid? Wala na ba silang komunikasyon?
Aniya pa, kapag may problema siya, si Kuya Germs ang tinatakbuhan niya.
Hindi biro ang ginawang pagtulong ng Master Showman sa mga baguhang artista. Unconditional, wala siyang hininging kapalit sa mga natulungan niya. Sa mga naging alaga niyang talents, wala siyang hininging komisyon. Basta, masaya at sobrang proud siya sa mga natulungan at sumikat na mga alaga niya.
Ang tanong, magawa kaya ng isang Nora Aunor ang mga nagawa ni Kuya Germs? Matupad kaya ang ipinangako ng superstar on national television na ipagpapatuloy niya ang pagtulong sa mga baguhang artista?
Pangako
Nangako naman si Jake Vargas na susundin niyang lahat ng pangaral, paalala at payo sa kanya ng yumaong manager cum tatay-tatayan niyang si Kuya Germs. Ani Jake, mas lalo niyang pagbubutihin ang kanyang trabaho at mas lalo siyang magiging professional.
Aalagaan din daw niya ang kanyang sarili at mag-iipon para sa kanyang kinabukasan. Sa mga hindi pa nakakaalam, family breadwinner si Jake at nailagay na niya sa ayos ang kanyang daddy at mga kapatid.
Naipaayos na niya ang bahay nila sa Olongapo. Pinag-aaral niya ang kanyang mga kapatid at ilang pamangkin. It’s about time na ang sarili naman niyang kinabukasan ang pagtuunan ng pansin ni Jake. Sana raw ay patuloy pa rin siyang gabayan ng kanyang Tatay Germs kung saan man ito naroroon ngayon. Sobrang nami-miss niya ang kanyang Tatay Germs.
Siguro naman, hindi pababayaan ng GMA Network si Jake ngayong wala na si Kuya Germs.