NAGING bukingan portion ang tribute kay German “Kuya Germs” Moreno noong huling gabi (Jan. 12) ng kanyang burol sa Mt. Carmel Shrine, New Manila, QC.
Nagsalita ang ilan sa mga kaibigan ng Master Showman. ’Kaaliw ang pag-alala ni direk Maning Borlaza. Aniya’y sa shooting ng isang pelikulang pinagsamahan nila’y naaksidente si Kuya Germs, kaya isinugod nila ito sa ospital.
Nang tanungin daw ito ng hospital staff kung ilang taon na, sinabi raw ni Kuya Germs na 28 siya. Bahala na raw ito (staff) magkuwenta kung ano’ng taon siya ipinanganak. “Eh, that time, 28 din ako,” sabi ni direk Maning. Sa pagkaalam niya’y mas bata siya kay Kuya Germs.
Noong 33rd birthday (kuno!) naman ng Master Showman, inimbita siya nito. Nang tanungin niya kung ilang taon na ito, sinabi raw ni Kuya Germs na 33 nasiya. “Eh, 35 na ako noon,” ani direk.
Noong may pelikula naman siyang gagawin, nagprisinta si Kuya Germs na siya nalang ang kunin para sa role. “Eh, 40 years old ang kailangan. Sabi ko sa kanya, ‘Masyado kang bata. Thirty-three ka lang.’ Sabi niya, patandain nalang daw ang itsura niya sa make-up. Lagyan ng gatla ang noo niya. Sabi ko, ayaw ng producer na dinadaya.
“Noong namatay siya, nalagay sa mga diyaryo na 82 years old na siya. Ako, 81 na ngayon,” sambit ni direk na ikinatawa ng mga naglalamay.
Buking pa more!
Dumating din sa burol ni Kuya Germs si former Senator Ramon Revilla na naka-wheel chair. Sa kabila ng kanyang kalagayan, nag-effort siyang pumunta sa burol ng Master Showman. ’Kaaliw din ang pambubuko ni Don Ramon noong nakita niya si Romeo Vasquez na dating kasama niya sa Sampaguita Pictures. Ani Don Ramon, pareho silang chickboy noon at pareho nilang naging girlfriend ang isang dating aktres na Rebecca ang pangalan. Tawanan na naman ang lahat.
Pag-recall naman ni Romeo, noong janitor/telonero pa si Kuya Germs sa Clover Theater ay parati siyang nagpupunta roon. Parati raw siyang nagpapalibre kay Kuya Germs na papasukin siya dahil gusto niyang manood ng mga babaeng nakalabas ang legs. Burles pa nga ang sinabi ni Romeo.
Sinabi raw sa kanya ni Kuya Germs na bakit hindi siya mag-artista? So sinubukan niyang mag-apply sa Sampaguita Pictures. Nagpatulong naman sa kanya si Kuya Germs na ipakilala siya sa producer (Doc Jose Perez). Sa asawa nitong si Mrs. Azucena Vera-Perez ipinakilala ni Romeo si Kuya Germs. The rest is history.
Hindi lang nagging artista ng Sampaguita Pictures si Kuya Germs, itinuring pa siyang miyembro ng pamilya Vera-Perez hanggang sa kanyang huling sandali.
Isusulong
Ang pamilya Vera-Perez ang nagpamisa at nagpa-dinner noong huling gabi ng burol ni Kuya Germs sa Mt. Carmel Shrine.
’Andun ang magkakapatid na Manay Ichu, Lilibeth, Chona, Cocoy at Gina. ’Andun din ang anak ni Manay Ichu na si Councilor Erwin Maceda na naging Master of Ceremonies sa ginanap na tribute para sa Master Showman.
Congresswoman sa isang distrito sa Pangasinan si Manay Gina Vera-Perez de Venecia at aniya’y isusulong niya sa kongreso ang isang resolution para kilalanin ang mga nagawa at naiambag ni Kuya Germs sa showbiz industry.
Nararapat lang daw pahalagahan ang magandang naiwang legacy ng Master Showman, ang magagandang aral, payo at higit sa lahat ang pagiging loyal nito sa mga taong nakasama mula’t sapul at nagbigay ng pagkakataon hanggang nagkaroon ito ng malaking puwang sa showbiz industry.
Sabi naman ni Manay Ichu, hindi man naging box-office star si Kuya Germs, pinatunayan naman niya sa kanyang mga huling sandali na maraming nagmamahal sa kanya. Kumbaga sa isang pelikula, sobrang box-office hit ang kanyang burol mula una hanggang huling gabi. Dagsa ang maraming artista, kaibigan, fans na nakiramay sa mga naiwan niyang pamilya.
Tulog na
Sabi naman ni Bishop Soc Villegas na nag-officiate ng mass, pwedeng maging banal ang isang artista dahil sa mga kabutihang ginagawa nito para sa kanyang kapuwa. “One who lives for other people without expecting anything in return. ’Yung hindi iniisip ang sarili kundi ‘yung nagpapasaya siya ng ibang tao,” words to that effect na sabi ni Bishop Soc.
Wala na nga si Kuya Germs. Hindi na siya gigising. Tuluyan na siyang natulog. Physically, hindi nanatin siya makikita. Inihatid na siya kahapon sa kanyang huling hantungan sa Loyola Memorial Park, Marikina City. Mananatiling buhay sa ating mga alaala ang iniwan niyang legacy na nawa’y magsilbing gabay at inspirasyon sa mga kabataang artista at sa mga nangangarap maging artista.
Napansin nga pala namin sa huling sulyap namin kay Kuya Germs ang kintab ng suot niyang white Americana. Parang mga bituing nangniningning. Maaliwalas ang kanyang mukha na parang nakangiti. Marahil ay sobrang saya ng Master Showman sa rami ng nagpupunta sa kanyang burol.
Paglabas naming ng chapel at naupo sa umpukan ng entertainment press, napansin naming ang kintab din ng mga table cloth na kulay puti at silver. Very Kuya Germs talaga!
Goodbye, Master Showman. Tulog ka na. Maraming salamat sa mga kabutihan mo. Mami-miss ka namin.