TRUE kayang may “something” na namamagitan ngayon kina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo? ’Yan ang loudest whisper ngayon sa showbiz. We have yet to hear from John Lloyd and Bea sa isyung ito tungkol sa kanila.
Before Christmas, natsikang diumano’y break na sina Bea at Zanjoe Marudo. No denial, no confirmation mula sa kanila hanggang nakalipas ang Holiday Season. Hanggang ngayon, pareho silang nananahimik sa diumano’ y break-up issue sa kanila.
Natsika ring diumano’y nagkakalabuan ang relasyon nina John Lloyd at Angelica Panganiban. Pero sa suporta ni Angelica sa disqualification issue ng “Honor Thy Father” na pinagbidahan ni JLC, nabura ang mga haka-haka sa namamagitang relasyon nila ng aktor.
Pero bakit persistent ang rumor tungkol kina JLC at Bea? Naipalabas na ang movie nila, “A Second Chance” na balitang certified box-office hit. Hindi pwedeng isiping bahagi pa rin ng promotion ng kanilang movie ang pagli-link sa kanila. Abang-abang na lang pag may time sa pahayag nina JLC at Bea tungkol sa latest issue about them.
Bagong kanta
Pinangarap noon ni Gloc-9 na maging Ariel Rivera o Gino Padilla. Ang mga ito ang kanyang peg bilang singer. Pero ani Gloc-9, hindi siya magaling na singer tulad nina Ariel at Gino, kaya nag-rap na lang siya.
Hindi biro ang pinagdaanan ni Gloc-9 para maabot ang pangarap niyang maging singer. Aniya, marami siyang pinuntahang record companies noon at nag-submit siya ng kanyang demo ng songs na siya ang nag-compose.
Sa Binangonan, Rizal sila nakatira at aniya, hanggang Cubao lang ang pamasahe niya. Mula Cubao, nilalakad lang niya papuntang Tomas Morato at West Avenue, QC kung saan naroon ang ilang record companies.
Nang gawin ng Star Cinema ang pelikulang “Trip” in 2000, nadampot sa scrap box ng Star Records ang dalawang kantang sinulat ni Gloc-9 at ginamit ang mga ’yun sa pelikula.
Nagtrabaho rin si Gloc-9 bilang kitchen helper sa Tokyo Tokyo restaurant. Aries Pollisco ang kanyang real name at ang mga kaibigan niya ang nagbigay ng showbiz name niyang akma sa pagiging rapper niya.
Eighteen years na sa music industry si Gloc-9. Kamakailan ay nag-release siya ng bago niyang kanta, “Pareho Tayo.”
Libre itong mapapakinggan at mada-download, ayon kay Gloc-9. Internet connection lang ang kailangan at pwede nang marinig ang bago niyang kanta. After one and a half days na mag-post si Gloc-9 tungkol sa “Pareho Tayo,” umabot sa halos 8,000 hits ang kanta at 600 downloads.
Sinasalamin nito ang katotohanan sa naghihirap na lipunan, subalit may naaaninag na posibilidad ng pagbabago.
Panibagong award
Matapos tumanggap ng Philippine Youth Award for Excellence si Rocco Nacino mula sa 16th edition ng Mister & Miss Philippine Youth 2016, isa na namang parangal ang iginawad sa Kapuso actor, Person of the Year Award, mula sa Kabataang Sama-Samang Maglilingkod, Inc.
Ang Awards Ceremonies ay ginanap sa Tanghalang Pasigueno, Pasig City. Ang parangal na iginawad kay Rocco bilang pagkilala sa tagumpay niya sa kanyang chosen field and for being an outstanding member of the youth na nagbibigay ng inspirasyon sa karamihan.
“I feel honored and humbled to be given this special award from a youth organization. Maraming salamat, Philippine Youth. I am deeply honored to receive this special recognition. I am excited to take on the responsibility to inspire and empower our youth in order to broaden their opportunities for success in the future,” acceptance speech ni Rocco.
Final title
Ayon kay Derrick Monasterio, two days bago pumanaw si German “Kuya Germs” Moreno ay nagkausap sila. Inimbita siya ng Master Showman na kumanta sa “Walang Tulugan.” Hindi natuloy ang guesting ni Derrick dahil sa hindi inasahang pagkamatay ni Kuya Germs.
Kaya ’yung dapat ay kakantahin niya sa “Walang Tulugan” ay kinanta ni Derrick sa libing ni Kuya Germs sa Loyola Memorial Park, Marikina City.
By the way, “Hanggang Makita Kang Muli” (HMKM) ang final title ng bagong teleserye ni Derrick sa GMA7 with Bea Binene. “The Abandoned” ang dating title nito.
Kasama sa HMKM sina Raymart Santiago, Angelika dela Cruz, Ina Feleo, Rita Avila, Kim Rodriguez, Shyr Valdez, Luz Valdez, Ramon Christopher Gutierrez, Jak Roberto at Marco Alcaraz. Mula ito sa direksiyon ni Laurice Guillen.