GIRLFRIEND material si Julia Montes at ito ang gusto niyang sabihan ng “I love you.” ’Yan ang kilig-kiligang sagot ni Coco Martin kay Boy Abunda noong tanungin siya nito sa “Tonight with Boy Abunda” kung sino ang girlfriend material para sa kanya at kung sino ang gusto niyang sabihan ng “I love you.”
Bakit nga ba hindi pa masabi-sabi ni Coco ang mga katagang ’yun kay Julia? O, baka naman, echos lang niya ’yun kay Boy, pero sa totoo lang ay nakapagpahayag na siya ng pag-ibig kay Julia?
Mukhang “tinamaan” talaga si Coco kay Julia. If so, huwag na niyang pakawalan ang dalaga.
Sa ibang interbyu kay Coco, sinasabi niyang handa na siyang magpakasal. He is 34 years old and not getting any younger. Nabigyan na niya ng magandang buhay ang kanyang pamilya. Tamang panahon na para ayusin naman niya ang kanyang sariling kaligayahan.
Kung sinabi ni Coco na girlfriend material si Julia, she must be wife material too, right Coco?
Suportado ng AlDub
Ano kaya’ng reaction ng AlDub Nation na ginagamit ang pangalan ng idolo nila sa pag-e-endorso ng kandidatura ng presidentiable at vice-presidentiable na sina Davao City Mayor Rodrigo Duterte at Senator Bongbong Marcos, respectively?
May ipinadalang email sa amin ang kampo ni Senator Bongbong na nagsasaad na suportado ng AlDub sina Duterte at Marcos.
Dumalo kamakailan si Sen. Bongbong sa Davao Regional Consultation na ginanap sa Apo View Hotel sa Davao City. Siya ang special guest at speaker. Nagulat daw siya sa nakita niyang banner na may nakasulat na “AlDub.”
“Nakita ko, AlDub, paano naman tayo napasok dyan? Eh, showbiz ’yun? ’Yun pala, Alyansang Duterte-Bongbong. Maraming salamat sa inyo,” bahagi ng speech ni Senator Bongbong.
Overwhelmed siya sa libu-libong supporters ng AlDub sa kandidatura nila ni Mayor Duterte.
See? Para-paraan lang talaga, magamit lang ang salitang AlDub. Hindi kasi pwedeng mag-endorse ng kahit sinong kandidato ng pulitika ang AlDub tandem nina Alden Richards at Maine Mendoza sa May 2016 elections.
Grabe talaga ang lakas ng dating ng AlDub. Hindi lang sa pulitika nagagamit .Pinagkakakitaan din ang AlDub ng mga malikhaing negosyante. May nagtitinda ng AlDub t-shirt, candles, pamaypay, paper dolls, cards, paputok (noong nakaraang New Year celebration) at kung anu-ano pang may nakasulat na AlDub. May AlDub dress pa at apron ni Maine.
BFF, luka-luka
Ano kayang reaction ni Isabelle Daza sa sinabi ni Solenn Heussaff na “luka-luka si Bel”?
Nai-post kasi ni Isabel sa kanyang social media account ang caption na “Mr. & Mrs. Bolzico” kaugnay ng nabalitang nagpakasal sina Solenn and her fiance Nico Bolzico sa Argentina noong Dec. 30, 2015.
Mariing itinanggi ’yun ni Solenn sa presscon ng “Lakbay2Love.” Pinalabas niyang sinungaling ang friend niyang si Isabel. Hindi kaya maapektuhan ang kanilang friendship?
In any case, Solenn plays Lianne in “Lakbay2Love.” Isa siyang videographer na naatasang gumawa ng feature tungkol sa climate change.
Kinailangang magbisikleta siya sa ilang eksena. Aniya, hindi siya nagbibisikleta noong bata pa siya. Mas mahilig siyang mag-roller blade at mag – roller skate.
Si Dennis Trillo ang partner niya sa L2L at tinuruan siya nitong magbisikleta. Ayon sa aktor, mabilis natuto si Solenn at malakas ang loob. “Natakot lang ako pagbato-bato (rough) ang dinaraanan namin,” ani Solenn.
Kuwento pa niya, magsu-shoot sana sila sa isang forest kasama ang iba’t ibang grupo ng bikers. Kaya lang, umulan.
Hindi sila makapag-take, kaya nagsiksikan silang sumilong muna sa isang tent. “Super fun!” ani Solenn. “We were just eating ice cream and having fun.”