Naniniwala si Rain or Shine coach Yeng Guiao na maturity ang nakatulong sa semifinal tormentor San Miguel Beer para ipwersa ang Game 7 ng kanilang finals series kontra Alaska Aces.
Ayon kay Guiao, naging factor para sa Beermen na maging inspirasyon si injured player June Mar Fajardo para simulan ang pagtala ng panalo matapos itaguyod ng Aces ang 3-0 edge sa kanilang Smart Bro Philippine Cup Best-of-Seven title series.
Paniwala ni Guiao, isinaalang-alang ng Beermen ang bawat laro kay Fajardo bilang sukli sa mga sakripisyo ng Cebuano slotman na ngayon ay kinikilalang main man ng koponan.
“Alam nila na si June Mar ang nagdala sa kanila sa finals kaya factor yung naglalaro sila for June Mar. Usually yung mga mature na teams will have that mentality,” ani Guiao “If you have been playing long enough, you appreciate each other and play for each other. That mentality is always present.”
Ginawang ehemplo ni Guiao ang nangyari sa kaniyang star guard Paul Lee na nang magkaroon ng injury ay naging rallying point ng E-Painters sa ilang crucial games.
Unti-unting nakabalik ang Beermen nang ipanalo nito ang huling tatlong laro at itabla ang serye, 3-3, para maipwersa ang isang winner-take-all Game 7 Miyerkules ng gabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Magkagayon man ay hindi inaalis ni Guiao ang tsansa ng Aces na mapigilan ang isang historic Game 7 win para sa Beermen.
“Ung sense of urgency nila nandyan. They can still pull through. But yung morale, if they can rebound from the setback sa isyu ng morale, they have the ability to beat San Miguel even with a complete line-up,” pahayag ni Guiao. (Dennis Principe)