Malaking karangalan hindi lamang sa PBA kungdi maging sa buong Pilipinas ang title-clinching victory ng Philippine Cup champions San Miguel Beermen.
Ayon kay San Miguel forward Arwind Santos, buong mundo ngayon ang makaka-alala sa Pilipinas sa tuwing magkakaroon ng 0-3 sa best-of-seven series sa anumang liga saan mang panig ng mundo.
Naitala ng San Miguel ang ika-apat na sunod na panalo sa Game 7 upang burahin ang 0-3 edge ng Alaska Aces at tuluyang maidepensa ang Philippine Cup na nasungkit naman ng Beermen nung nakaraang season.
Sa kanilang 96-89 panalo laban sa Aces Miyerkules sa MOA Arena, tumikada si Santos ng 13 points at 10 rebounds upang pamunuang ang Beermen sa historic win.
“Pilipinas lang nakagawa niyan. Kahit NBA ang pag-uusapan, PBA. Bida ang Pilipinas kasi ang NBA kukuha ng inspirasyon sa PBA,” ani Santos.
Samantala kinilala naman ni Finals Most Valuable Player Chris Ross ang hindi pagsuko ng kaniyang teammates para makabangon sa kanilang unprecedented run.
“It’s still an unbelievable feeling winning the game. Everyone in the locker room believed. We were down 0-3 and everyone still believed. It’s just amazing doing it with these group of guys,” ani Ross.
Twenty-one points, five rebounds at five assists ang itinala ni Ross para makuha ang Finals individual trophy.
Ito naman ang ika-22 titulo ng San Miguel franchise na sa ngayon ay winningest ballclub sa 41-year history ng PBA.
(DENNIS PRINCIPE)