Lyamado para kay Mahindra assistant coach Chito Victolero ang mga koponan na may balik-imports sa paparating na PBA Commissioner’s Cup.
Ayon kay Victolero, malaking bagay para sa mga koponan ngayong conference ang matapik ang mga foreign reinforcements na kabisado na ang laro sa Asia’s first play-for-pay league.
Bukod sa Talk ‘N Text na muling pinabalik si Ivan Johnson, balik-aksyon din para sa kani-kanilang koponan sina Denzel Bowles ng Star Hotshots, Wayne Chism ng Rain or Shine, Rob Dozier ng Alaska at Al Thornton ng NLEX Road Warriors.
“May advantage na sila kasi alam na nila sistema at laro dito sa PBA. Hindi na issue yung adjustment,” ani Victolero.
Inamin din ni Victolero na sinubukan nilang ibalik si former import Peter John “PJ” Ramos, ang 7-foot-3 Puerto Rican na kanilang reinforcement ng nakaraang season.
“Baka kalagitnaan pa ng conference available si PJ kaya naghanap na muna kami ng iba,” ani Victolero.
Si 6-foot-9 import Augustus Gilchrist ang kinuhang import ng Mahindra para sa darating na conference.
Samantala tiniyak naman ni Victolero na si Filipino boxing sensation Manny Pacquiao pa din ang nagmamando sa koponan.
“Kahit na hindi siya masyado nakakapunta sa practice alam ni coach Manny lahat ng nangyayari sa team,” dagdag ni Victolero.
Ngayong Biyernes ang unang sabak ng Enforcers kontra Globalport Batang Pier sa Smart Araneta Coliseum. (Dennis Principe)