MAG-E-EXPIRE sa November this year ang contract ni Yasmien Kurdi sa GMA Network, kaya naghahanap siya ng bagong manager. Aniya, gusto niya ’yung ipu-push ang kanyang career.
“Ang dami kong gustong gawin. Gusto kong kumanta, gumawa ng pelikula, teleserye. Gusto kong mag-explore,” pahayag ni Yasmien nang nakausap namin sa launching cum presscon ng “One Heart” album.
Si Lolit Solis ang dating manager ni Yasmien. Aniya, maayos naman ang paghihiwalay nila bilang talent-manager. After nag-join si Yasmien sa “Starstruck 1” na sina Mark Herras at Jennylyn Mercado ang Ultimate Male and Female Survivors, si Lolit na ang manager niya.
Bukod kay Yasmien, may iba pang artistang mina-manage si Lolit at ayon kay Yasmien, alam niyang hindi siya ang priority nito, kaya hindi siya nito gaanong natututukan.
Naiintindihan naman daw niya si Lolit at wala siyang tampo sa dati niyang manager, paglilinaw ni Yasmien.
“Baliw si Manay Lolit (laughs),” sambit ni Yasmien.
“Parati niya akong tinatalakan. Ang taba-taba mo! Magpapayat ka. Malandi ka!” ang parati raw sinasabi sa kanya ni Lolit.
Kuwento pa ni Yasmien, noong nag-cruise sila sa Singapore kasama ang ibang alagang artista ni Lolit ay sila ang roommates sa hotel na tinuluyan nila. One week ang cruise na ’yun. Hindi kinaya ng powers niya ang parating pagtatalak sa kanya ni Lolit (talak-nanay lang naman), kaya nagpapalit siya ng ibang roommate. Laugh lang daw nang laugh si Lolit.
Itiniwalag na nga ba?
Sa launching cum presscon pa rin ng “One Heart” album, naitanong kay Yasmien Kurdi kung totoo bang itiniwalag na siya ng INC (Iglesia ni Cristo). Nabalita kasi ito noon.
“Next question, please!,” aniya. “Ayokong magsalita. Ayokong may (mga) taong masaktan,” wika ni Yasmien. Aniya pa, ayaw niyang ma-bash sa social media at madamay pa ang anak niya.
Happily married si Yasmien sa isang non-showbiz guy at three-years old na ang anak nilang si Ayesha Zara. Wala pa silang balak sundan ito. Ani Yasmien, gusto muna niyang mag-explore ng kanyang talents. May blessing ng kanyang husband ang desisyon niyang maging aktibo muli sa showbiz.
“Kaya naghahanap ako ng bagong manager na magko-co-manage sa GMA Network. Hindi ko pa alam kung magre-renew akong contract o lilipat sa ibang network,” lahad ni Yasmien.
“Yagit” ang huling teleserye niya sa GMA. Nakadalawang album naman siya sa GMA Records. Na-miss niya ang pagre-recording, kaya laking tuwa niya at pasasalamat sa GMA Records nang isama siya sa “One Heart” album.
Ang kantang “Panahon” ang kontribusyon ni Yasmien sa album kung saan sanib-puwersa ang ilang Kapuso stars. Charity project ito ng GMA Artist Center at ang bahagi ng kikitain ay ipagkakaloob sa GMA Kapuso Foundation na pinamamahalaan ni Mel Tiangco.
Ayon kay Ms.Tiangco, maraming projects ang GMA Kapuso Foundation at malaking tulong ang bahaging kikitain ng “One Heart” album para matugunan ang mga pangangailangan ng mga taong may sakit.
Aniya, araw-araw ay marami ang nagpupunta sa kanilang opisina at humihingi ng pambili ng gamot, pampa-opera, etcetera.
Simula ngayong Linggo (Feb. 14), maaaring i-download ang “One Heart” album sa iTunes. Ibat’ ibang genre ng kanta ang nakapaloob. May pampakilig, may nakakapagbigay ng pag-asa, may puno ng hugot.
Ang iba pang GMA Artist Center talents na bahagi ng album ay sina Glaiza de Castro, Derrick Monasterio, Betong Sumaya, Kristoffer Martin, Kylie Padilla, Ruru Madrid, Gabbi Garcia, Julian Trono, Maricris Garcia, Rita Daniela, James Wright, Nar Cabico, Kai Atienza, Lindsay de Vera, Hannah Prescillas, Kath Castillo, Ralf King at Denise Barbacena. “Sa Puso Mo” ang carrier single, inspirational ballad, written and arranged by Korean composer Kim Hyun Jik at kinantang lahat ng participants sa album.