KUNG may isyu kina Maine Mendoza at Derrick Monasterio, may isyu rin kina Alden Richards at Louise delos Reyes. Ayon sa mga naglabasang report, magkasama diumano sina Derrick at Maine sa Subic noong nakaraang Valentine’s Day.
Pero ayon kay Derrick, aksidente lang na nagkita sila roon ni Maine. Hindi sila magkasama, paglilinaw ni Derrick.
Ayon naman sa isang source, female friends niya ang kasama ni Maine sa Subic.
Sina Alden at Louise naman ay nagkita sa birthday party ng PA ni Louise. Invited din daw si Maine, pero for whatever reason ay no show si Yaya Dub. Nahaluan ng malisya at may mga nag-react na AlDub fans sa nakita nilang video na ipinost ng Aldenatics na binigyan ni Alden ng flowers si Louise. Binash pareho sina Alden at Louise.
Whirlwind romance
Whirlwind romance pala ang nangyari kina Rufa Mae Quinto at sa Filipino-American (o Filipino-Chinese?) fiance niyang si Trevor (nakalimutan namin ang apelyido). Nagkakilala lang sila noong nagbakasyon si Rufa sa US last month.
Persistent daw sa panliligaw si Trevor, kaya hindi na pinatagal pa ni Rufa ang kanyang “yes!” Sa US ginanap ang kanilang engagement party na dinaluhan ng pamilya ni Trevor. Darating siya sa Pilipinas sa April para makilala naman ang pamilya ni Rufa.
Kababalik lang ni Rufa sa Pilipinas para asikasuhin ang kanilang kasal this year. Garden wedding ang gusto ni Rufa.
Personal request
Personal request ni Regine Velasquez-Alcasid sa GMA management na isama sa bago niyang primetime series sina Elyson de Dios at Ayra Mariano, 1st Prince and Princess sa “Starstruck 6.” Kabilang si Regine sa Starstruck Council at aniya, natuwa siya kina Elyson at Ayra na kinakitaan niya ng potensiyal, base sa ipinakitang performance ng mga ito during the competition.
“Poor Señorita” ang title ng primetime series ni Regine kung saan kasama sina Snooky Serna, Mikael Daez, Jaya, Ervic Vijandre, Sheena Halili, Kevin Santos, Valeen Montenegro, Jillian Ward, Zymic Jaranilla at Miggs Cuaderno. Si Dominic Zapata ang direktor.
Online teasers
Patok sa netizens ang online teasers ng remake ng “Encantadia” na exclusive na napapanood sa GMANetwork.com Ipinakita na ang teaser ng “Brilyante ng Apoy,” video ng “Brilyante ng Hangin,” plug ng “Brilyante ng Tubig” at “Brilyante ng Lupa.”
Excited na ang netizens kung sinu-sino ang magkakapatid na sang’gre na gaganap bilang Amihan, Alena, Danaya at Pirena. Si Mark Reyes ang direktor at si Suzette Doctolero ang head writer.
Mga bago ang costumes ng apat na sang’gre na dapat abangan ng Kapuso viewers. Magpapatayo ng studio ang GMA para doon kukunan ang ilang eksena, bukod pa sa magsu-shoot sila sa iba’t ibang lugar. All-out sa budget ang GMA para sa big project na ito.
Presidential debate
Ngayong Linggo (Feb. 21) na magaganap ang 1st Comelec Presidential Debate na live mapapanood sa GMA mula sa Capitol University sa Cagayan de Oro at 5 p.m.
Inaasahang dadalo ang limang presidentiables na sina Vice President Jejomar Binay, Senator Grace Poe, Mayor Rodrigo Duterte, Senator Miriam Santiago at Mar Roxas. Pinamagatang “Pilipinas Debates 2016,” moderators sina Mike Enriquez at Jessica Soho.
Mapapakinggan din ito sa DZBB Super Radyo at may live streaming sa GMA News Online.
Book-signing
Bukas (Feb. 22) ang book-signing ng commemorative gag book na “I AM BUBBLE GANG” sa Trinoma Activity Center.
Dadaluhan ito ng BG cast members sa pangunguna ni Michael V.
Ang registration ay 5 p.m. at 6 to 9 p.m. ang book-signing.