Isang traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority ang arestado pagkatapos umanong humingi ng P200 sa driver ng isang meat delivery van sa Mandaluyong City kahapon ng madaling araw.
Kinilala ng Mandaluyong police ang suspect na si Raymond Ching, 37, ng Bagumbayan St., Sta. Mesa, Manila.
Ayon sa mga pulis, papuntang Kalentong Market si Ramil Minalabag upang mag-deliver ng karne ng siya ay parahin ng suspect sa Shaw Boulevard malapit sa Gen. Kalentong Road.
Hiningi ni Ching ang driver’s license ng biktima pero wala itong maipakita. Tinawagan ni Minalabag ang kanyang supervisor na si Rex Giobaco upang makiusap kay Ching. Humingi umano ng P500 ang suspect kay Giobaco upang hindi ito isyuhan ng Official Violation Receipt ticket si Minalabag.
Ibiniba ni Ching ang hinihinging pera sa P200 na binayaran ni Minalabag. Inireklamo nina Minalabag at Giobaco si Ching sa mga pulis na agad namang nadakip. Itinanggi ng suspect ang paratang. Si Ching ay kasalukuyang nakadetain sa Mandaluyong police station at nahaharap sa kasong extortion, resistance, at disobedience.