WALANG naging problema sa paglabas ng aktor na si Tonton Gutierrez sa dalawang teleserye ng magkaibang TV networks.
Napapanood si Tonton sa “You’re My Home” ng ABS-CBN 2 at ngayon ay pumasok na ang character niya sa “That’s My Amboy” ng GMA-7.
Ayon sa aktor, ang kanyang manager na si Lolit Solis ang kausap ng dalawang TV networks kaya ito raw ang nagbigay ng go-signal na puwede siyang lumabas sa isa pang teleserye.
“Noong sabihin ni ’Nay Lolit na okey na, eh, di maganda.
“Bihira ang pinapayagang na gumawa ng teleserye sa magkaibang TV networks.
“Tsaka wala naman tayong exclusive contract with ABS-CBN or with GMA. Kung saan may trabaho, kahit magkasabay, basta kaya nating mag-deliver,” ngiti pa niya.
Nakapag-advance taping na raw kasi ang buong cast ng “You’re My Home” dahil kasalukuyang nangangampanya si Richard Gomez sa Ormoc City dahil tumatakbo ito bilang mayor ng naturang siyudad.
Kaya habang wala raw siyang taping schedule for “You’re My Home,” nasa bakuran muna siya ng Kapuso
network.
“Matagal na rin akong hindi nakagawa ng project for GMA. Kaya marami na akong hindi kilalang mga bagong artista sa GMA.
“It’s my first time to work with Barbie Forteza and Andre Paras.
“Pero ’yung ibang cast members kilala ko naman like sina Donita Rose, John Arcilla, Meryll Soriano, and Matet de Leon.
“Noong 2010 pa ang huling teleserye ko with them. It was ‘Langit sa Piling Mo’ with Heart Evangelista.
“There was a time na sunud-sunod din ang ginawa kong mga shows sa GMA-7. I did “Darna,” “Etheria,” “Forever in My Heart,” “Te Amo: Maging Sino Ka Man,” “Habang Kapiling Ka,” “Mga Mata ni Anghelita,” “Love to Love,” and “Babangon Ako’t Dudurugin Kita.”
“Mas suki rito ay ang misis kong si Glydel (Mercado),” diin pa niya.
Ready naman daw parati si Tonton to work with new actors.
“Kailangan naman talaga. Sila ang mga bagong henerasyon ng mga artista sa showbiz ngayon.
“Naging baguhan din ako noon and I was lucky to have the support of so many actors during my time.
“Kaya binabalik lang natin ang tulong na iyon sa mga bagong artista ngayon,” pagtapos pa ni Tonton Gutierrez.
(RUEL J. MENDOZA)