MATAGAL na raw magkaibigan at never naging magkaaway ang mga bida ng bagong ABS-CBN primetime teleseryeng “We Will Survive” na sina Pokwang at Melai Cantiveros. Ito ay sa kabila ng lumabas noong isyu na umano’y may rivalry at competition na nagaganap sa pagitan nila bilang dalawa sa most in-demand comediennes ng ABS-CBN.
“Ano ka ba? Matagal na kaming magkaibigan, sir!” diin ni Melai sa amin.
Ayon pa kay Melai, gawa-gawa lang daw ng ibang tao ang isyu ng rivalry. “Guni-guni lang nila iyon. Kasi wala talagang rivalry. Unang-una, idol ko talaga si Ate Pokie (palayaw ni Pokwang). Siya ang nagsimula ng mga ganitong mukha. Kung hindi dahil kay Ate Pokie, wala kami dito nina Kiray.
“Sobrang nagte-thank you ako kay Ate Pokie. Kaya nahihiya ako kay Ate Pokie pag may ganyang rivalry, may umaaway pa kay Ate Pokie. Hindi ba kayo nahihiya kay Ate Pokie? At saka si Ate Pokie ate talaga ang turing ko sa kanya. ‘Happy Yipee Yehey!’ (defunct noontime show ng ABS-CBN) pa lang, tapos ‘Banana Split’ namin, lagi talaga akong tinutulungan ni Ate Pokie, sa mga outfit, sa make-up. Yun bang parang ate talaga siya sa akin. Kaya ako ang nahihiya pag inaaway siya,” ani Melai.
Si Pokwang naman ay tinatawanan lang daw ang isyu. “Natawa na lang ako kasi si Melai napaka-genuine, napakabait na tao. At saka sabi ko bakit kailangang pagpapatulan iyong mga ganyan? Iisang network tayo, magkakapamilya tayo, dapat magtulungan tayo. Kagaya ng sinasabi ni Mang Dolphy noong nabubuhay pa siya, ‘Magtulungan kayong mga komedyante,’ iyon po,” sabi ni Pokwang.
Swak nga raw sa pagiging magkaibigan nila sa totoong buhay ang roles na ginagampanan nila sa “We Will Survive” bilang mag-best friend na sina Wilma (Pokwang) at Maricel (Melai).
Kasama rin sa cast ng “We Will Survive” sina Bea Saw, Regine Angeles, Jeric Raval, Carlo Aquino, Josh de Guzman, Viveika Ravanes, Bing Davao, Alchris Galura, Maris Racal, McCoy De Leon, at Vangie Labalan. Sa ilalim ng production unit ni Ginny Ocampo at sa direksyon ni Jeffrey Jeturian, ang “We Will Survive” ay mapapanood mula Lunes hanggang Biyernes bago mag-“TV Patrol” sa ABS-CBN Primetime Bida simula sa Feb. 29. (GLEN SIBONGA)