Dalawang tao ang nasugatan samantalang 100 pamilya ang nawalan ng tirahan sa isang sunog sa Permanent Housing sa Barangay 129, Balut, Tondo, Manila kahapon.
Limampung bahay at P2 million halaga ng ari-arian ang naabo sa sunog na nagsimula 1:30 a.m. at umabot sa fifth alarm, ayon sa Manila Bureau of Fire Protection. Mabilis na kumalat ang sunog dahil ang mga bahay ay gawa sa light materials.
Hinihinalang faulty electrical wiring ang dahilan ng sunog na nagsimula umano sa tahanan nina Jerry and Antonietta Inudio. Nakarining din umano ang mga residente ng isang malakas na pagsabog bago nagsimula ang sunog.
Ang sunog ay naapula 4:43 a.m. at ang mga apektadong pamilya ay nasa mga evacuation centers at covered courts ngayon. (Argyll Cyrus B. Geducos)