Marami ang nagulat sa biglang pagpanaw ng 38-year old writer-director na si Francis Xavier Pasion noong nakaraang March 6.
Ayon sa film producer na si Atty. Joji Alonso, natagpuan ang wala nang buhay na katawan ni Pasion sa loob ng kanyang banyo sa kanyang bahay sa Brgy. Laging Handa in Quezon City.
Sa ginawang imbestigasyon ng SOCO (Scene of the Crime Operatives), ang dahilan ng pagkamatay ni Pasion ay cardiac arrest.
Nakilala si Francis Xavier Pasion dahil sa kanyang mga critically-acclaimed independent films na “Jay” (2008), “Sampaguita National Flower” (2010) at “Bwaya” (2014).
May sisimulan sana siyang indie film para sa Cinemalaya 2017 titled “Positive Mother.”
Nagtapos na cum laude si Pasion sa Ateneo de Manila University sa kursong Communication. Tinatag niya roon ang Loyola Film Circle.
Nagsimula siya bilang designer’s apprentice para kay Marilou Diaz-Abaya sa pelikulang “Muro Ami” in 1999. Naging scriptwriter and script consultant siya para sa mga pelikulang “Crying Ladies,” “Volta,” “Feng Shui” at “Milan.”
In 2008, ginawa niya ang kanyang kauna-unahang feature film titled “Jay” na nagpanalo ng best actor award kay Baron Geisler.
Nadala sa iba’t ibang film festivals abroad ang mga pelikulangginawa ni Pasion tulad sa Venice, Busan, Berlin, Bahamas, Hong Kong, Tokyo, Warsaw at France.
Sa TV ay nagsimula si Direk Francis bilang headwriter at producer ng public service drama program ng ABS-CBN 2 na “Nagmamahal, Kapamilya” noong 2006. Naging writer din siya ng drama anthology na “Maalaala Mo Kaya.”
Pinasok din ni Direk Francis ang paggawa ng mga teleserye. Kabilang dito ay ang “Sabel,” “My Binondo Girl,” “Kahit Konting Pagtingin,” “Princess and I,” “My Little Juan,” “Dyesebel,” at “Nathaniel.”
Huli niyang TV project ay ang “On The Wings Of Love” na pinagbibidahan nila James Reid at Nadine Lustre.
Maraming mga artista, director at film critics ang nakiramay sa pagkawala ni Direk Francis sa pamamagitan ng social media. (RUEL J. MENDOZA)