BUKOD sa kanyang showbiz career, may iba pang pinagkakaabalahan ngayon si Cherry Pie Picache. Ito ay ang pagiging isa niyang restaurateur. Part-owner kasi siya ng Alab Restaurant, na nasa ilalim ng Moderne Group of Restos, Inc., kasama ang partners niyang si Joel Fernando ng JB Music and JB Sports at si Christine del Castillo ng Moderne Culinaire Academy.
Nagkaroon ng grand launch ang Alab Restaurant sa UP Town Center sa may Katipunan Avenue, Quezon City noong Feb. 27.
Dumalo rito ang mga direktor nina Cherry Pie sa nagtapos na teleserye ng ABS-CBN na “On the Wings of Love” na sina Antoinette Jadaone at Dan Villegas at ang co-stars ni Cherry Pie sa serye na sina Albie Casiño, Ysabel Ortega, Cheska Iñigo, Paeng Sudayan at Joel Saracho.
Ever since daw gusto talaga ni Cherry Pie na magkaroon ng sariling restaurant. “Siyempre it’s a blessing, I’m grateful, eto natupad na. Kaya Alab, it’s for passion, fire. Kasi it’s really my passion, kasi di ba mahilig akong magluto. ’Yung mga nakakakilala sa akin alam nilang beside sa acting my other passion is cooking. My (late) mother is a very good cook, doon ko nakuha,” sabi ng aktres.
Pangalawang branch na ng Alab Restaurant ang nasa UP Town Center. Ang una ay matatagpuan sa Scout Rallos, Tomas Morato, Quezon City. Nakatakda na ring magbukas sa April ang pangatlo nilang branch sa Venice Piazza, McKinley Hill.
Specialty ng Alab Restaurant ang mga putaheng Pinoy mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa kaya naman kamakailan ay pinarangalan ito bilang Best Filipino Cuisine Specialty Restaurant ng Golden Globe Annual Awards for Business Excellence 2016.
Ngayong summer maglalabas sila ng mga bagong putahe na kinabibilangan ng Sinabawang Gulay o Laswa, Mahi-Mahi sa Dilaw na Luya at Mangga, Pakwan flavored ice cream at Sampaloc juice. (GLEN SIBONGA)