Tutulungan ng police cybercrime experts ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa paghabol sa big-time tax evaders sa bansa.
Sinabi ni Senior Supt. Guillermo Eleazar, head ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG), na ang kanilang partisipasyon sa BIR operations ay nakapaloob sa isang kasunduan na pinirmahan ng PNP at BIR sa pangunguna nina Director General Ricardo Marquez at BIR Commissioner Kim Jacinto-Henares.
“The BIR has sought the full assistance of our office, PNP-ACG in its crackdown against tax evaders. They cited our expertise in examining digital evidence in ensuring the prosecution of tax evaders,” ayon kay Eleazar.
Nakita ng BIR ang kakayahan ng PNP-ACG nang salakayin nila ang bahay ng mag-asawang Ruben at Erlinda Asedillo sa Varsity Hills Subdivision, Quezon City. Ang dalawa ay inaakusahang sangkot sa jewelry smuggling.
Napag-alaman na ang accounting computer system ng mag-asawa ay hindi rehistrado sa BIR, isang pagpapatunay na hindi sila nagbabayad ng tamang buwis.
“We have been asked to conduct digital forensic examination on the pieces of evidence recovered during the raid,” sabi ni Eleazar.
Ilan sa mga nakumpiska sa sinalakay na bahay ay tatlong computers, iba’t ibang digital evidence at documents kasama na ang limang kahon ng delivery receipts, sales receipts, application for payment order at iba pa.