MAHIGIT 11 years nang namamayapa si “Da King” Fernando Poe, Jr., pero patuloy pa ring tinatangkilik ng manonood ang kaniyang mga pelikula.
Patunay rito ang pamamayagpag ng “Ang Probinsyano” na pinagbibidahan ni Coco Martin sa ABS-CBN na mahigit 40 percent ang rating gabi-gabi.
Kamakailan ay nagsimula na ring umere sa TV5 ang version ni Richard Gutierrez ng “Ang Panday” na nagpasikat sa ama ng kumakandidatong pangulo na si Sen. Grace Poe.
Maging ang ibang lumang pelikula ni FPJ ay walang sawang tinatangkilik ng mga manonood sa Cinema One.
Kaya naman proud na proud si Grace sa mga pelikula ng kaniyang ama lalo na ang matatapang at makukulay nitong dialogue.
“If there was anything my father was proud of naman, ayaw niyang i-desecrate ang ating wika. Para sa kaniya talaga, dapat diretso hindi Tag-lish. Kaya ang mga writer ni FPJ sa pelikula niya, marami sa kanila talaga screenplay writers from UP kasi talagang gusto niya’y maayos na Tagalog,” sey ni Grace.
Ilan sa mga memorable na linya ni FPJ sa pelikula ay: “Puno na ang salop, dapat ka nang kalusin” (“Kapag Puno Na ang Salop,” 1989); “Kung kayo lang ang magiging kaibigan ko, bibili na lang ako ng aso” (“Ako ang Huhusga,” 1989); at “Wag mong sabihing malakas ka! Wag mong sabihing marami kang tauhan! At wag mo ring sabihing marami kang salapi… pare-pareho lang tayo… isang bala ka lang! (“Isang Bala Ka Lang,” 1983).”