AYAW raw magpa-pressure ni KZ Tandingan sa muli niyang pagsabak bilang interpreter ngayong taon sa Himig Handog P-Pop Love Songs, ang annual songwriting competition ng ABS-CBN.
Lalo na nga’t ang in-interpret niyang awiting “Mahal Ko O Mahal Ako,” na komposisyon ni Edwin Marollano, ang naging grand winner noong isang taon.
“’Yung pressure po siguro mas more on pressure na mabigyan ng hustisya ’yung kakantahin ko. Syempre may pressure na gusto mong manalo ’yung kanta at saka ’yung composer. Pero ’yung pressure na nakikipag-compete ka, wala po,” sabi ni KZ.
Malaki raw ang nagawa sa career ni KZ ng pagkapanalo ng “Mahal Ko O Mahal Ako” sa Himig Handog last year. “Sobrang thankful ako sa Star Music at sa Himig Handog kasi last year ’yung song kong ‘Mahal Ko O Mahal Ako,’ changed the course of my career.’’
Hindi nga inakala ni KZ na kukunin ulit siyang interpreter ngayong taon. Kakantahin niya ang komposisyon ni David Dimaguila na “Laban Pa,” at kasama niya bilang interpreter si Jay-R. “Nung pinapunta nila ako roon at nag-listening kami, sabi ko, ‘This is so different compared doon sa ‘Mahal Ko O Mahal Ako.’ So, iba naman, ibang flavor. Dito sa song na ito maririnig ng mga tao na nagra-rap pala si KZ.
Makakalaban ng kanta nina KZ at Jay-R ang 14 iba pang awitin. Ang grand winner at itatanghal na Best Song ay tatanggap ng premyong P1 million.
Ang finals night ng “Himig Handog P-Pop Love Songs 2016” ay gaganapin sa April 24 sa KIA Theater.
(GLEN P. SIBONGA)