PROUD nanay ang pakiramdam ni Superstar Nora Aunor dahil sa ginawang pagtulong ng kanyang anak na si Ian de Leon sa isang batang nasagasaan ng motorsiklo kamakailan lang.
Si Ian ang nagsugod sa bata sa ospital habang ang iba’y nakatingin lang. Itinuturing nga ni Ate Guy na isang “hero” ang kanyang anak.
“Proud, kasi nagmana (sa akin). Ay, nagmana!” pabirong sabi ni Ate Guy.
“Napakagandang gesture na ginawa niya na tumulong sa isang batang naaksidente. At kahit na sino sigurong taong makakakita e, gagawin yun. Pero nakatingin lang yung iba, di ba? Kaya para sa akin, hero sa akin yung batang anak ko.”
Ikinatuwa rin ni Ate Guy ang mga papering ibinibigay ngayon kay Ian lalo na sa social media. Karangalan daw ito ng kanilang buong pamilya.
“Bilang nanay proud ako. Siyempre kasama kami roon dahil anak ko iyon. Kung ano yung magandang ginawa ng anak ko, kasama na lahat iyong pamilya.”
Samantala, proud din si Ate Guy sa pelikula niyang “Whistleblower” sa ilalim ng Unitel Productions at Quento Media.
“Maganda yung buong pelikula. Nung tinanggap ko ito, nalaman kong makakasama ko si Cherry Pie (Picache), first time naming magkasama sa pelikula. Napakagaling ni Cherry Pie kaya walang nagging problema sa set.
“Lahat ng mga eksena sa pelikula magaganda. Alam mo naman si direk Adolf (Alix Jr.), magaling iyan at hindi niya pinapabayaan ang artista. Pagtalagang hindi niya gusto ang acting, talagang pinapaulit niya,” ani Ate Guy.
Ipalalabas ang “Whistleblower” sa mga sinehan nationwide simula sa April 6. Rated A ito ng Cinema Evaluation Board.
(GLEN P. SIBONGA)