Mahigit 200 pamilya ang nawalan ng tahanan sa isang sunog noong Sabado ng gabi sa Quiapo, Manila.
Ang sunog sa Golden Mosque compound sa kanto ng Globo de Oro at Gunao Sts. ay nagsimula ng 6:05 p.m. at inabo ang mahigit 100 bahay na gawa sa light materials.
Umabot ang sunog na tumupok sa tinatayang P2 million halaga ng ari-arian sa fifth alarm. Hindi apektado ang Golden Mosque at wala namang naiulat na namatay o nasaktan sa sunog na naapula ng 10:49 p.m.
Nahirapang patayin ng mga bumbero ang sunog dahil sa makipot na mga kalye at nawalan sila ng tubig.
Samantala, natupok sa isang sunog ang isang commercial-residential building sa kanto ng Tomas Mapua at Fugoso Sts. sa Sta. Cruz, Manila na hindi kalayuan sa Golden Mosque noon ding Sabado. Tatlumpung pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog na nagsimula ng 9:14 a.m.
Umabot sa fifth alarm ang sunog ng 10:14 a.m. at naapula ng 1:12 p.m. Walong katao ang nasugatan samantalang P5 million halaga ng ari-arian ang natupok sa sunog. Inaalam na ang dahilan ng dalawang sunog. (Argyll Cyrus B. Geducos)