Nakalipat na sa isang studio ng GMA-7 ang show ni Willie Revillame na “Wowowin.”
Sa naganap na unang episode ng show sa naturang studio, hindi mapigilan ni Willie ang maging emotional dahil iyon na nga ang katuparan na kabahagi na siya ng Kapuso network.
“Eto na. Nandito na ‘yung pangarap namin.
“Alam n’yo ba kung gaano namin ito pinagdasal, na magkaroon ng studio sa GMA?
“Iba kasi kapag nandito ka sa pangalawang tahanan mo.
“Heto na ang ating pangalawang tahanan, GMA-7, Kapuso channel,” masayang balita pa ni Willie.
Nag-flashback pa si Willie sa unang araw ng kanyang show na “Wowowin” sa Kapuso network noong 2015 na ang timeslot pa niya ay 3:30 p.m. tuwing Sunday lamang.
Nilipat siya sa mas maaga na oras na 2:00 PM dahil sa magandang rating nito.
Noong nakaraang February lamang ay ginawa nang araw-araw ang “Wowowin” at mas pinahaba ang oras nito na mula 5 p.m. to 6:30 p.m. mula Lunes hanggang Biyernes.
“Alam n’yo kung bakit nangyari ito? Bakit? Dahil ho ‘yan sa pagmamahal n’yo sa programang ito.
“Of course sa bumubuo po dito sa GMA, magmula po sa kanilang janitorial, sa housekeeping, security guard, all the staff, sa COOP na lang, lahat, sa engineering.
“And of course gusto kong pasalamatan ang mga boss namin dito.
“Boss Joey, thank you so much. Of course, also Mr. Jimmy Duavit. Sir, thank you so much.
“Of course, Mr. Felipe Gozon. Atty. Gozon, maraming salamat din po sa suporta n’yo sa akin, sa inyong paglalaban sa programang ito, alam ko.
“At sa isang tao po na talagang ipinaglaban po ako dito, Mr. Felipe Yalong. Boss, marami pong salamat sa iyo.
Maraming maraming salamat.
“And my partner, Atty. Boy Reyno. Thank you so much, Atty. Boy Reyno.”
Kaya lahat daw ng pinagdaanan na hirap ng “Wowowin” ay lalo lang nagpatibay sa kanila para magbigay ng kasayahan sa maraming tao.
“Alam n’yo, maraming tao ang may pinagdadaanan.
“Isipin n’yo, lahat tayo may mga pinagdadaanan sa buhay.
“Ako rin ganun. Wala rin ako kasama sa buhay. Nag-iisa lang ako pero kayo ang pamilya ko sa araw-araw,” pagtatapos pa ni Willie Revillame. (RUEL J. MENDOZA)