NAPATAWAD na raw ni Vice Ganda ang lalaking bumaril at pumatay sa kanyang ama. Ito ang naging rebelasyon ng Phenomenal Box-Office Star sa panayam sa kanya nina Karla Estrada, Jolina Magdangal at Melai Cantiveros sa bagong morning talk show ng ABS-CBN, ang “Magandang Buhay,” noong April 19.
Inalala pa nga ni Vice kung paano nabaril ang kanyang ama. “Palaspas ’yun. Linggo ng Palaspas, tapos magsisimba ’yung buong pamilya ko kasi relihiyoso ang nanay ko. So noong magsisimba na ’yung buong pamilya ko, nakabihis na sila. Ako, nasa loob pa ng bahay. Tapos ’yung tatay ko nasa labas, naka-istambay.
“Ayon, tapos may tumatakbo, nagkakagulo na naman. Sabi sa nanay ko, ‘Si Mang Rey po, napaaway, napa-trouble.’ ’Pag labas nila, binabaril na ’yung tatay ko. Hanggang ngayon hindi naman nakulong ’yung pumatay sa tatay ko kahit na buong barangay namin ay nakita kung sino ang pumatay,” kuwento ni Vice.
Sa kabila ng masakit na pangyayari, ngayon daw ay wala nang nararamdamang galit si Vice at napatawad na niya ang salarin. “Dumating ako sa puntong ipinagpasa-Diyos ko na lang lahat. Pinatawad ko siya. Alam mo nga, nalaman kong hindi na maganda ang kalusugan niya kasi doon pa rin siya nakatira sa amin. Sabi ko dun sa mga kaibigan ko, ‘Gusto ko siyang puntahan para sabihin sa kanyang matagal na ho kitang pinatawad ha.’
“At kung ’yun ho ang nagpapabigat sa kalooban n’yo ngayon, kung nanonood siya ngayon, gusto kong malaman mo ang tagal-tagal na kitang napatawad. Baka mabigat pa ang kalooban mo, lalong nagpapahina ng katawan mo ito ngayon, gusto kong malaman mong wala ka nang iisipin sa amin, sa buong pamilya namin, sa nanay ko, sa mga kapatid ko. Napatawad ka na namin. Malayang-malaya ka na sa galit mula sa pamilya namin.”
Ito raw panuntunan ni Vice ngayon, ang huwag magtanim ng galit sa puso, bagay na itinuturo niya rin sa kanyang mga kapatid. “Itigil n’yo iyang sama ng loob, kasi nakakapangit, nakakasira ng disposisyon. Hindi ka magiging matagumpay, hindi ka magi-ging maligaya kung lagi ka na lang galit,” ani Vice. Kaya nga raw deadma siya sa mga basher niya sa social media. Kung ’yun nga raw pumatay sa tatay niya ay kanyang napatawad, e di mas lalo raw niyang kayang patawarin iyong minura lang siya sa social media. (GLEN P. SIBONGA)