Pinakawalan na lamang ng Office of Transportation Security ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 ang isang 85-anyos na ginang kahit na nahulihan umano ng bala sa kaniyang bagahe.
Sinita ng OTS security screening officer ang balik-bayan na si Cresencia Pabustan, tubong Pampanga na may biyahe patungong Canada.
Ito ay matapos makitaan ng bala si Pabustan na mariin naman na pinabulaanan ng mga anak nito na sina Priscilla Pabustan Velasco at Anthony Pabustan. “Ako mismo ang nag impake ng bagahe naming Papaano magkakaruon ng bullet dyan,” ani Anthony.
“May magic yata dito sa airport.”
Ayon naman kay OTS team leader Buenvenido Ross, pinayagan niyang bumiyahe si Pabustan matapos sabihin nito na isang anting-anting ang naturang bala.
Sa pag-iinspeksyon naman ni Insp. Rey Dooc, nadetermina nila na bala ng .45 ang nakumpiska kay Pabustan ngunit hindi naman ito makukunsidera na isang live bullet dahil wala na itong bullet head at gunpowder.
“Marami pa din kasi ang naniniwala sa anting-anting katulad nito. Dahil hindi naman ito maituturing na ammunition ay pinayagan na din na makabiyahe,” ani Dooc. (Ariel Fernandez)