MARIVELES, Bataan – Naaresto ng mga pulis ang walong miyembro ng “Buriki Gang” at nakumpiska sa kanila ang 80 sako ng soybeans kamakailan.
Ayon kay Supt Crizalde Conde, chief of police, matagal nang nag-ooperate ang “Buriki Gang” at karaniwan na nilang biktima ang mga negosyante na ninanakawan nila ng soybeans.
“The group has been even claiming that they have connections upstairs who are giving them protection on their illegal activities, but we still operated against them since they are illegal and involved in stealing soybeans,” sabi ni Conde.
Ang mga suspek ay nadakip ng mga mibyembro ng Mariveles Police sa isang seaborne operation sa dalampasigan ng Pitas, Sitio Naswe, Barangay Ipag, Mariveles, Bataan.
Kinilala ang mga nadakip na sina Carl Casalan, Joey Sitchon, Junito Cotcheza, Joel Cotcheza, Ervin Solano, Jeffrey Nazareno, Edmar dela Cruz, at Ronaldo Solano, piloto ng fishing boat na “Lucky Twin”.
Sinabi ni Conde na tatlong miyembro ng grupo na nakilalang sina Ben Tapalla, Albert Totoy Tapalla at isa pang piloto ng fishing boat ang nakatakas sa police operation.
Ang mga suspek ay nahuli sa aktong nagkakarga ng 15 sako ng soybeans sa dalawang fishing boats sa Pitas, Sitio Naswe, Barangay Ipag, Mariveles, Bataan. Nadiskubre ng mga pulis sa storage rooms ng Lucky Twin at Two Sister fishing boats ang 80 sako ng soybeans.