BUMALIK sa intense training ang Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes para sa nalalapit na pagbabalik ng telefantasya na “Encantadia.”
Si Dong ang gaganap na Raquim na unang ginampanan ni Richard Gomez sa naturang telefantasya noong 2005.
Si Raquim ang magiging ama ni Amihan, ang panganay ni Ynang Reyna Minea na gagamapanan ngayon ni Marian Rivera. Si Amihan naman ay gagampanan ni Kylie Padilla.
Ayon kay Dong, matagal na raw siyang hindi nakapag-train nang matindi at ngayon lang niya ito ulit gagawin.
“The last time was 10 years ago when we trained for the first one (‘Encantadia’). Officially, ngayon lang ulit.
“Siguro ganoon talaga if you have not tried it for 10 years, it seems pretty new.
“Ako I like it basta may bagong kailangang aralin, natsa-challenge ako. I’m happy to learn something new today,” diin ni Dong.
Bukod sa matinding workout, kailangan ding pag-aralan ulit ni Dong ang arnis fighting. Nakasama pa niya ang ibang cast ng “Encantadia” sa isang malaking training session.
Samantala, natutuwa si Dong dahil nabigay ang kanyang role noon bilang Ybarro sa bagong Kapuso leading man na si Ruru Madrid.
Wala raw ibang naisip si Dong na aktor na gaganap bilang Ybarro kundi si Ruru na una niyang nakitaan ng husay noong sumasali pa lang ito sa contest na Protégé: The Battle For Big Artista Break.
Bagama’t hindi si Ruru ang nanalo sa naturang contest, ito ang nabibigyan ng malalaking break tulad na lang nitong “Encantadia”.
“Nagkatrabaho kami sa contest na sinalihan niya which is ‘Protégé’. I hosted it and siyempre noon pa lang, nakitaan na namin siya ng potential.
“Ngayon na siya na ang gaganap na Ybarro, talagang na-justify ‘yung pagkapanalo niya dahil ito’y napakahalagang role.
“I’m truly and sincerely happy for him because it’s going to be an exciting ride dahil sa ‘kin, sobrang memorable ‘yung pagganap ko sa character na ’yan,” pagtapos pa ni Dingdong Dantes. (RUEL J. MENDOZA)