Naaresto ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) and dalawang hinihinalang drug pushers sa magkahiwalay na operasyon sa Cebu nitong nagdaang linggo.
Kinilala ni PDEA Director General Arturo G. Cacdac, Jr. ang mga nadakip na sina Gerson Plazo Ombos, 34, residente ng Barangay Lahug, Cebu; at Carlito Diaz Sabayton, 52, ng Barangay South Poblacion, San Fernando, Cebu.
Ayon kay Cacdac, nasakote si Ombos ng mga PDEA Regional Office 7 agents sa pamumuno ni Director Ronald Allan DG Ricardo nang ipatupad nila ang isang search warrant sa tirahan ng suspek sa Barangay Lahug dakong 11:45 p.m. nitong Sabado.
Nakumpiska kay Ombos ang 13 pakete ng shabu na nagkakahalaga ng P8,000 at drug paraphernalia.
Nadakip naman si Sabaytan matapos siyang makapagbenta ng 13 gramo ng shabu sa halagang P36,000 sa isang poseur-buyer dakong 3:30 a.m. ng Linggo.
Sinampahan ng pulisya ang dalawang suspek ng kasong paglabag sa Comprehensive Drugs Act of 2002.