TARLAC CITY – Anim na umano’y crime gang leaders ang nadakip sa makakahiwalay ng police operations sa mga bayan ng Mayantoc, Camiling, at Pura dito sa lungsod, ayon sa ulat ng Tarlac Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Sinabi ni Senior Supt. Benjamin Silo, Jr., CIDG regional chief, na ang pag-aresto sa mga suspek ay isinagawa ng CIDG sa pangunguna ni Chief Inspector Angelo Nicolas.
Kinilala ng CIDG ang mga naaresto na si Teody Garlitos Corpuz, pinuno ng Garlitos-Corpuz Brothers gang; Pascasio Lardizabal, 57, lider ng Lardizabal robbery-holdup group; Teofilo Domingo, 58, lider ng Badang group; Maxi Cabobus, Francisco Concepcion, 37; at Danilo Dimaano, pinuno ng Gumapak group.
Nakumpiska kay Corpuz ang isang shotgun habang isang Armscor .38-caliber revolver, taltong bala, 13 sachets ng shabu at drug paraphernalia ang nakuha kay Domingo; isang .45-pistol, isang magazine at pitong bala naman ang nakuha kay Dimaano; habang tatlong piraso ng bala ng 9mm pistol ang nakumpiska kay Lardizabal.
Ayon kay Nicolas, apat sa mga nadakip na suspek ang nabibilang sa mga grupong sangkot sa gunrunning at drugs trafficking sa buong lalawigan at karating lugar.