PAREHONG Lotlot de Leon (lost) sina Edu Manzano at Alma Moreno sa senatorial race. ’Kaloka ang post ni Alma sa kanyang social media account. “Whoever wins tomorrow will be declared the winner.” Laugh trip din ang isa pang post ni Alma na patungkol sa Comelec. Sana raw sa susunod na election ay bunutan na lang.
Joke ba niya ’yun o seryoso? Ano ’yun? Parang raffle lang ang pilian sa mga kandidato? Si Alma talaga!
Habang sinusulat naming ang kolum na ito (Tuesday, May 10), wala pa kaming balita kung nanalo ang anak niyang si Vandolph na kumandidato bilang konsehal sa isang distrito sa Parañaque.
Susuporta pa rin
Kung si Lovi Poe ay sinuportahan ang kandidatura ng kanyang half-sibling na si Senator Grace Poe sa presidential race, si Vice President Jejomar Binay naman ang sinuportahan ng half-brother nilang si Ronian Poe (anak ng yumaong Fernando Poe, Jr. sa former actress na si Ana Marin).
Si Senator Grace ang unang nag-concede sa panalo ni Mayor Rodrigo Duterte na ang laki ng lamang ng boto sa mga katunggali sa presidential race. Maluwag sa puso natin ang pagtanggap ni Sen. Grace sa kanyang pagkatalo. Tinawagan pa niya si Duterte at binate ito.
Kahanga-hanga ang gesture na ’yun ni Sen. Grace. Maraming celebrities ang nag-post sa kanilang respective social media accounts na pinuri at hinangaan ang agad-agad na pag-concede niya sa panalo ni Duterte.
May nalalabi pang tatlong taon bilang senador si Poe at nangako siyang makikiisa at susuportahan ang bagong administrasyon. Curious lang kami, tuparin kaya ni Duterte ang sinabi niyang kapag siya ang nahalal na presidente ay itatalaga niya si Sen. Grace bilang Secretary of Tourism? Tanggapin naman kaya ng senadora ang position?
Curious din kami kung ano kaya’ng masasabi ni Sheryl Cruz na siyang kumontra noon sa pagkandidato bilang president ni Sen. Grace? Sana naman, ngayong tapos na ang eleksiyon ay magkabati at magkaayos na sina Sheryl at Sen. Grace.
Mga nanalong celebrities
May mga celebrity naming pinalad manalo sa katatapos na election. Win si Lani Mercado bilang mayor ng Bacoor, Cavite. Malakas din ang laban ni Richard Gomez bilang mayor ng Ormoc City. Kung tama kami, second or third time ito ni Goma sumubok sa larangan ng pulitika.
Na-disqualify siya noong first try niya dahil nakuwestiyon ang kanyang residency. Ang wife niyang si Lucy Torres-Gomez ang pumalit sa kanya para tumakbo sa kongreso.
Ang dating singer-actress na si Cristina Gonzales-Romualdez ay nanalo namang mayor ng Tacloban City. Ang kanyang hubby na si Alfred Romualdez ang dating mayor doon.
Sina Quezon City Mayor Herbert Bautista at Congressman Alfred Vargas ay walang mga kalaban, kaya kampante sila. Wala pa kaming balita kung nanalong congresswoman si Vilma Santos-Recto sa Lipa, Batangas. What about Phillip Salvador na kumandidatong vice governor ng Bulacan, kalaban si Daniel Fernando?
Ang Yllana brothers na sina Anjo at Jomari na tumakbo bilang konsehal, Winwyn Marquez (win) or Lotlot de Leon (lost) kaya sila? Sa Fairview, QC si Anjo at sa Parañaque naman si Jom. Si Andrea del Rosario na kumandidatong mayor sa isang lalawigan ng Batangas, Winwyn or Lotlot kaya siya? Si Ronnie Ricketts kaya na kumandidatong congressman sa Muntinlupa, Winwyn or Lotlot kaya?
By this time, naiproklama na ang winners. Congratulations! Sa mga natalo, better luck next time. Try again!
Concerned pa rin
Sobrang na-appreciate ni Angel Locsin ang care at concern sa kanya ni Maru Sotto, ama ng yumao niyang ex-boyfriend na si Miko Sotto. Nai-post ng aktres sa kanyang social media account na tinawagan siya ni Maru (she calls him Tito Maru) at pinayuhang huwag na siyang sumailalim sa traditional spine operation dahil delikado raw ’yun.
Ini-refer siya ni Maru sa neuro-spine surgeon ni Helen Gamboa (wife ng brother nitong si Senator Tito Sotto). Sa Singapore pa nagpa-check-up si Angel dahil sa kanyang spinal problem.
Sobrang touched si Angel sa effort ni Maru na nagsabing hindi naman kailangang gawin nito ’yung pagpapaopera. After Miko’s death, bihira na silang magkita ni Maru, ayon kay Angel.
Aniya pa, kung hindi dahil sa payo ng kanyang Tito Maru, baka hindi na niya maigalaw ang kanyang legs dahil nagkaproblema sa mga nerves nito.
Baby boy
Sa Gender Reveal party, ipinaalam ni Iya Villania and her husband Drew Arellano na boy ang kanilang first baby na ipinagbubuntis ni Iya.
Ang sabi, made in New Zealand ang panganay nina Drew at Iya. Months ago ay nagbakasyon doon ang mag-asawa.