Pinagiingat ng pulisya ang publiko pagkatapos nakawin ang isang taksi na maaaring gamitin sa paggawa ng krimen sa Quezon City noong Martes ng madaling araw.
Hinikayat ng mga pulis ang publiko na ipagbigay alam agad sa kanila pag nakita nila ang Toyota Vios na Trancity Taxi na may plakang UVD-245 na minamaneho ni Antonio Lasprillas, may-asawa, ng Barangay Pasong Tamo, Quezon City.
Ayon sa ulat ng Quezon City Police District Station 2, pinara ang biktima ng isang lalakeng nagpanggap na pasahero sa Congressional Ave., Quezon City at nagpahatid sa Examiner St. Pagdating sa Examiner St., pinababa ng suspect ang biktima upang patunugin ang doorbell ng isang bahay.
Paglabas ng biktima, pinaandar ng suspect ang taxi at tumakas patungong Quezon Ave.
Natangay din sa biktima ang kanyang driver’s license, cellphone, at pera na nasa loob ng taksi. Hawak na ng QCPD Anti-Carnapping Unit ang kaso.
Matatandaang ilang taksi ang nasangkot sa ilang krimen sa Metro Manila kamakailan, kasama na ang ginamit ni Nitro Agustin Ison, 24, upang nakawan umano ang apat na pasaherong babae.
Si Ison ang hinihinalang pumatay at nagnakaw kay Amparo “Teng” Santaromana Gamboa, asawa ng yumaong singer ng bandang Tropical Depression na si Dominic “Papadom” Gamboa.