Arestado ang dalawang hinihinalang Chinese drug pushers at nasamsam mula sa kanila ang isang kilo ng umano ay shabu na nagkakahalaga ng P5 million sa isang buy-bust operation sa Quezon City kahapon.
Kinilala ni Chief Insp. Enrico Figueroa, hepe ng Quezon City Police District-District Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Group, ang mga suspect na sina Xiongwei Chen, 42, may asawa at walang trabaho, at Weier Chen, alias “Willy Ang Tan” at “Edman Farillas,” 40, walang asawa, freelancer agent, mga taga-Fujian, China at parehong nakatira sa West Sacred Heart St., Canumay, Valenzuela City.
Naaresto ang mga suspect pagkatapos magbenta ng 250 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P500,000 sa isang police poseur-buyer sa C.P. Garcia Ave., Barangay UP Campus, pasado 1 p.m. Narekober mula sa mga suspect ang 750 gramo pa ng shabu, ang perang ginamit sa buy-bust operation, at isang pulang Mitsubishi Adventure na may plakang XSN-536.
“Mga one month din ang ginawa naming surveillance sa mga suspects. Karugtong ito ng mga previous operations na ginawa namin,” sinabi ni Figueroa. Nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article 2, ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ang mga suspect.