Nasugatan ang isang lalaki samantalang 33 pamilya ang nawalan ng tahanan sa apat na magkakahiwalay na sunog sa Quezon City noong Linggo at kahapon.
Tinatayang nasa P850,000 halaga ng ari-arian ang natupok sa mga sunog. Kinilala ni Fire Supt. Jesus Fernandez, Quezon City fire marshal, ang nasugatan na si Christopher Lualhati na nagtamo ng first-degree burns sa kanyang kanang balikat.
Naganap ang unang sunog sa isang bahay sa Hillman St., Samaka Subdivision, Barangay Fairview, ng 7:18 p.m. noong Linggo.
Pagkaraan ng isa’t kalahating oras, nasunog naman ang apat na bahay sa Arboretom St., Barangay UP Campus, Diliman kung saan nasugatan si Lualhati.
Tumama ang ikatlong sunog sa isang apartment sa Mariviles corner Maria Clara Sts., Barangay San Isidro Labrador, ng 3:40 a.m. kahapon. Huling nasunog ang dalawang palapag na residential-commercial building sa Dapdap St., Barangay Duyan-Duyan, ng 6 a.m. at pagmamay-ari ng isang abogado.