CAMP JULIAN OLIVAS, Pampanga – Natagpuang patay at tadtad ng tama ng bala sa ulo at dibdib ang isang hinihinalang drug pusher nitong Miyerkules ng umaga 16 na oras matapos na dukutin isya ng apat na armadong kalalakihan sa Bulacan.
Kinilala ni Senior Supt. Romeo M. Caramat Jr., acting provincial director ng Bulacan Provincial Police Office (BPPO), ang napatay na si Ramonito Nicolas Mendoza, alyas “Don Ramon”, 45, residente ng 117 Caingin, Bocaue, Bulacan.
Napag-alaman na dinukot ang biktima ng mga armadong lalaki na nakasakay sa isang Sedan na walang plaka matapos na dumalo sa isang court hearing sa Malolos City Regional Trial Court (RTC) Branch 8, in Bulacan sa kasong paglabag sa The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pagkaraan ng 16 na oras, natagpuan ng barangay tanod ang bangkay ng biktima na may mga tama ng bala sa ulo, mukha at dibdib sa Macam Street (NIA Road), Taal, Bocaue, Bulacan bandang 5 a.m. ng Miyerkules.
Base sa report ni Supt. Charlie A. Cabradilla, officer-in-charge ng Bocaue Municipal Police Station, nakatali ang mga kamay at paa ng biktima at ang mukha niya ay nababalutan ng packaging tape.
Nakalagay sa leeg ng biktima ang isang karton na may nakasulat na mensaheng “HUWAG NIYO AKONG TULARAN DRUG PUSHER AKO,” isang tanda na siya ay biktima ng “salvaging”, ayon kay Cabradilla.
Sinabi ni Cabradilla na si Mendoza ay may patong-patong na kasong criminal at nakalista bilang No. 1 Sibat Priority Target on Illegal Drugs ng Police Regional Office 3. Siya rin ang pangunahing suspek sa pagpatay kay Ernesto Navarro, alyas Batong; at John Lloyd Navarro sa Barangay Biniang 2nd, Bocaue, Bulacan.