Isang taksi drayber at isang nagbibisikleta ang nasugatan pagkatapos bumagsak ang crane ng construction site sa Makati City kahapon.
Kinilala ng Makati police ang mga biktima na sina Ramon Romirosa, taksi drayber, at nagbibisikletang si Romeo Lopez, 40.
Ayon sa ulat ng Makati police, bigla na lamang bumagsak ang crane ng Salcedo Sky Suites, isang proyekto ng Mega World, sa HV dela Costa St., Salcedo Village, Barangay Bel-Air.
Napatid ng crane ang mga kable ng kuryente at bumagsak sa isang taksi at isang nakaparadang sasakyan at nahagip si Lopez.
Nagtamo ng mga bali at sugat sa katawan sina Lopez at Romirosa na naipit sa loob ng taksi nang bumagsak ang crane.
Dinala ang mga biktima sa Makati Medical Center. Nagdulot ng trapiko at nawalan ng kuryente ang mga gusali sa HV dela Costa St. dahil sa insidente.
Humingi ng paumanhin ang AM Oreta Construction Co. na may ari ng crane at nangakong tutulong sa gastusin sa ospital ng mga biktima. Nangako din ang kumpanya na makikipagtulungan sa mga otoridad sa imbestigasyon ng insidente.
Pansamantala namang ipinatigil ni acting Makati Mayor Kid Peña ang paggawa ng gusali habang iniimbestigahan ang insidente.