GAGAWA pa rin ng pelikula ang Star for all Seasons na si Ms.Vilma Santos-Recto, ang bagong halal na congresswoman sa lone district ng Lipa, Batangas. Magpapaalam pa rin siya sa kanyang constituents, aniya sa interbyu sa kanya ng mga kapatid namin sa hanapbuhay na sina Fernan (Ms. F) de Guzman, Roland Lerum at Boy Romero sa kanilang radio program, “Wow, It’s Showbiz.”
Ani Cong. Vi, priority niya ang pagiging public servant at weekends lang siya pwede mag-shoot ng pelikula. Kapag may session sa congress, nasa Manila siya. May satellite office siya sa Lipa City para ma-monitor niya ang mga pangangailangan ng mga constituents niya roon na priority sa pagsisilbihan niya.
Dahil legislative at paggawa ng batas ang gagawin niya sa kongreso, ang husband niyang si Senator Ralph Recto ang kanyang mentor-tutor, ayon sa actress-politician. Mula nu’ng naging mayor siya (three terms) at governor (three terms), ito ang kanyang mentor-tutor.
Sobrang proud at happy naman si Cong. Vi sa panalo ni Jaclyn Jose bilang best actress sa Cannes International Film Festival. Aniya, napakagaling na aktres ni Jaclyn at isang malaking karangalan ang naibigay niya sa ating bansa.
Excited si Cong. Vi sa balitang sa mga local award-giving bodies ay magiging strong contenders silang tatlo nina Jaclyn at Nora Aunor sa best actress award. Si Cong. Vi para sa “Everything About Her,” si Nora para sa “Whistle Blower” at si Jaclyn para sa “Ma’ Rosa.”
“Exciting ‘yun,” ani Cong. Vi. “Kahit bihira akong gumawa ng pelikula, malaking bagay na nare-recognize pa rin ’yun.
Anak pa rin naman ako ng showbiz.”
Natanong din si Cong. Vi kung gusto na ba niyang magka-apo? Aniya, naiinip at nasasabik na siyang magka-apo. Pero ayaw niyang i-pressure ang mga anak niya (Luis Manzano at Ryan Christian Recto). “Nag-aalaga nalang muna ako ng aso (laughs). Kapapanganak lang ng aso kong poodle, lima ang anak niya,” saad ni Cong. Vi.
Di magtataas ng TF
Doble ang happiness ni Andi Eigenmann dahil dalawang taong mahal niya ang magkasunod na nanalo ng international awards. Nanalong best actress ang kanyang mommy Jaclyn Jose sa katatapos na Cannes International Film Festival para sa indie movie na “Ma’ Rosa” at tinanghal namang best actor ang half-sibling niyang si Sid Lucero sa 19th Los Angeles Comedy Festival para sa pelikulang “Toto.”
Ang yumaong actor na si Mark Gil ang father nina Sid at Andi. Si Bing Pimentel, former model at part-time actress ang mother ni Sid.
Ayon kay Jaclyn, hindi siya magtataas ng talent fee. Kung ano ’yung nakasaad sa kontrata niya sa GMA Network, ganu’n pa rin ang kanyang talent fee.
Bukod sa Cannes International Film Festival, may iba pang international film festivals na sasalihan ng “Ma’ Rosa.”
Ani Jaclyn, kung walang magiging conflict sa kanyang schedule, dadalo siya. Ano’ng malay natin, baka humakot si Jaclyn ng iba pang international awards?
Idedemanda?
How true na diumano’y balak idemanda si Nora Aunor ng producer ng isang indie film na ginagawa niya? Hindi raw kasi sumisipot ang superstar sa shooting nito.
Depensa ng kampo ni La Aunor, nagkasakit ang superstar at na-confine sa hospital. Nagkaroon din daw ng conflict sa schedule ng ibang artistang kasama ng aktres sa naturang pelikula. Huwag naman daw sanang ibunton ang sisi kay La Aunor kung bakit natatagalan matapos ang pelikula.
Birthday ni La Aunor noong May 21 at isang simpleng celebration lang ang naganap. Dinaluhan ’yun ng ilang malalapit niyang kaibigan. Just curious, binati kaya siya ng mga anak niyang sina Lotlot, Ian, Matet, Kiko at Kenneth?
A few weeks before her birthday, nag-post si Lotlot sa kanyang social media account ng tampo niya sa kanyang mama Guy. Bagaman, hindi siya nagbanggit ng pangalan, halatang patungkol ’yun sa superstar.
May kinalaman ’yun sa pahayag ni Guy na hindi raw dinadalaw ng mga anak niya ang kapatid niyang si Buboy Villmayor na naka-confine sa isang hospital. ’Yun pala naman ay nadalaw na nina Lotlot at Ian ang kanilang uncle Buboy lingid sa kanyang (Guy) kaalaman.