ZAMBOANGA CITY – Patay ang isang sundalo habang sugatan ang kanyang kasamahan nang tambangan sila ng dalawang hinihina-lang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) habang sila’y papunta sa military headquarters sakay ng tricycle sa Jolo, Sulu, Huwebes ng umaga.
Kinilala ni Western Mindanao Command (WesMinCom) spokesman Maj Filemon Tan, Jr. ang napatay na biktima na si Private First Class Buhol, miyembro ng 35th Infantry Battalion ng Philippine Army na naka-base sa Patikul, Sulu. Sugatan naman ang kapwa niya sundalo na si Pfc. Javier.
Namatay si Buhol noon din dahil sa tama ng bala sa ulo, samantalang si Javier ay kasalukuyang ginagamot sa ospital dahil sa sugat sa binti. Napag-alaman na dumating ang dalawang sundalo sa pier ng Jolo mula sa Zamboanga City bandang 5:30 ng umaga.
Habang patungong military headquarters sakay ng tricycle, hinabol sila ng dalawang armadong lalaking nakasakay sa motor at malapitang binaril si Buhol. “The two soldiers were riding on a tricycle and were on their way to their headquarters in Barangay Liang, Patikul, Sulu when they were chased by the two ASG gunmen on board a motorcycle” sabi ni Tan.
Sinabi ni Tan na armado ng .45-caliber pistol ang bumaril sa mga biktima. Ayon pa kay Tan, hindi nakipag-ugnayan ang dalawang sundalo para sa kanilang seguridad nang dumating sila sa pier ng Jolo.