ZAMBOANGA CITY – Lima katao na kinabibilangan ng dalawang marine soldiers, isang pulis, isang bystander at isang doktora ang malubhang nasugatan nang barilin sila mga hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na nagtangkang dumukot sa manggagamot sa kanyang klinika noong Biyernes ng hapon.
Ayon kay Armed Forces Western Mindanao command (AFP-WesMinCom) spokesman Maj Filemon Tan, Jr., sumugod ang mga umano’y miyembro ng ASG sa klinika ni Dra. Marian Lao sa Scott Road, Barangay San Raymundo bandang 2:40 p.m., Biyernes, at tinangkang dukutin siya ng mga salarin.
Kaagad namang nanlaban ang mga security escorts ng doktora na nauwi sa shootout. Nakilala ang dalawang sundalong nasugatan na sina Pfc. Banayad at Cpl. Somcio, parehong naka-assign sa Marine Battalion Landing Team-10 (MBLT10).
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan sa pulis at sibilyan na nasugatan din sa shootout. Mabilis na dinala ang biktima ng pamamaril, kasama si Dra. Lao, sa ospital kung saan sila nagpapagaling ngayon sa mga tinamong tama ng bala sa katawan.