OLONGAPO CITY – Naaresto ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) ang 28 “cyber sextortionists” nang salakayin nila ang isang internet den sa Barangay West Tapinac sa lungsod.
Ayon kay ACG Director Senior Superintendent Guillermo Eleazar, ang 28 suspek ay nagbebenta ng mga pornographic materials at links sa mga kliyenteng nakabase sa ibang bansa at pagkatapos ay kukumbinsihin nilang maghubad sila sa harap ng webcam.
Pagkatapos ay tatakutin ng mga suspek ang kanilang mga biktima na ilalabas nila ang kanilang malalaswang videos sa Internet kung hindi sila magbibigay ng malaking halaga.
Sinalakay ng mga pulis ang cybersex den sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Judge Ramon D. Pamular ng Guimba, Nueva Ecija, Regional Trial Court Branch 32, dahil sa paglabag sa Cybercrime Prevention Act 2012.
Napag-alaman na isang Jay Morete ang nangangalaga sa sinalakay na lugar.
Sa pakikipagtulungan ng Olongapo City Police Office (OCPO), nahuli ng mga ACG operatives ang mga suspek sa aktong nakikipag-chat sa kanilang mga biktima.
Nakuha sa mga suspek ang mga dokumentong nagpapatunay ng pagtanggap nila ng bayad mula sa kanilang mga kliyente.
Nakumpiska rin sa lugar ang 57 computers, wifi antennas, cellphones, landline phone at white board.
Sasampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa Section 4 ng Republic Act 10175 (Cybercrime Prevention Act).
(Jonas Reyes)