Nababahala na ang mag-inang Maricel Laxa-Pangilinan at Donny Pangilinan sa dumaraming posers at fake accounts na gumagamit sa kanilang pangalan.
Ipinaalam nila sa publiko ang kanilang official social media accounts nang mag-guest sila sa ABS-CBN morning talk show na “Magandang Buhay.”
Ayon kay Maricel, “Gusto ko lang manawagan para sabihin na ’yung totoong social media sites ko po, ’yung Instagram is @mommymaricel, sa Facebook is Maricel Laxa-Pangilinan. Sinasabi ko ito kasi napag-alaman ko na may mga taong nagso-solicit ng pera sa mga followers na akala nila iyon (fake accounts) ’yung mga official sites ko. Ganun din kay Donny (Pangilinan), maraming mga sites na kunwari si Donny, pero hindi naman. Ang totoo mong Instagram ay…”
Sabat ni Donny, “My Instagram is @donny_pangilinan, and my Twitter is @donnypangilinan.”
Pakiusap pa ni Maricel, “So, mag-ingat po tayo, and at the same time mag-enjoy lang tayo, ’yung good vibes lang, di ba? Huwag po tayong manira at manggamit ng tao.”
Samantala, pangunahing tinalakay sa “Magandang Buhay” ay ang pagiging mag-best friend nilang mag-ina, na hindi nawawala ang respeto.
Ipinaliwanag ni Maricel kung paano nila name-maintain ang ganitong samahan nila ni Donny.
“I think may levels iyan e. Pagkabata pa sila kailangan nilang direction, guidance, so hindi pwedeng friends kayo. Kung ayaw niyang kumain, friends kayo, pababayaan mo ba? Kailangan mong pakainin kasi ikaw ’yung magulang, ikaw ’yung naggagabay. Later on nag-e-evolve ’yung relationship ninyo after ma-establish n’yo na ’yung mga guidelines that they need for life. So, magiging magkaibigan kayo pero nandun pa rin ’yung respeto kasi kailangan pa rin nila ’yun e. Like ako, ganito na ang edad ko pero may respeto pa rin ako sa magulang ko. Kasi lahat tayo kailangan natin ng may tinitingala kasi nagbibigay iyon ng security sa atin. ‘Pag wala na tayong tinitingala, mag-isa tayo, ‘di ba? So, hindi tayo secured. So, later on pwede kayong maging mag-best friend pero na-lay down n’yo na ’yung foundations na may guidelines tayo sa pagpasok, sa priorities, sa moral values, paano natin tatratuhin ’yung mga tao sa paligid natin. Tapos best friend na kayo, nakakapag-usap na kayo.” (Glen P. Sibonga)