Dahil sa malalalaking alon at malakas na agos ng tubig sa Dalitiwan River, napilitang itigil muna ng Philippine Coast Guard (PCG) ang paghahanap sa tatlong taong tinangay ng baha sa Majayjay, Laguna, nitong nagdaang lingo.
“It will be very risky for our troops if they would still continue the SAR (Search-and-Rescue) operations,” pahayag ni PCG spokesperson Commander Armand Balilo.
Tatlo katao, kasama ang isang anim na taong gulang na bata, ang nawala matapos na tangayin ng flash flood sa resort na matatagpuan sa Barangay Ilayang Banga.
Tinukoy ng mga awtoridad na ang biglaang pagbuhos ng ulan bandang 4:30 p.m. ang sanhi ng baha na tumangay sa apat na tao patungong ilog. Isa lang sa mga biktima ang nailigtas tatlong oras matapos ang insidente.
Kinilala ang tatlong nawawalang biktima na sina Vanessa Carillo ng Cavite; Bryan at anak nitong si Cristine Altea Alimania ng Cabuyao, Laguna. (Raymund F. Antonio)